Stress test para sa nananakit ang dibdib
ISINASAGAWA ang Threadmill Stress Test sa isang taong nag-aalala sa nararamdamang pananakit ng dibdib o kakapusan ng hininga, lalo na ’yung pagkakapos ng hininga matapos mapagod. Isinasagawa ito bilang isang screening procedure o pangunang pagsusuri para sa isang taong nakararanas ng chest pain.
Ang stress test ay isang importanteng screening at diagnostic test para sa taong may isa o higit pang panganib para sa sakit sa puso o kahit para sa mga taong walang sintoma ng sakit sa puso pero gusto lang magpa-check up.
Tinitingnan ng stress test kung paano nagre-respond ang ating puso at mga ugat sa physical exertion. Matitiyak nito kung ang nararamdamang chest pain ay dahil sa sakit sa puso (coronary artery disease), lalo na ’yung tinatawag na angina (paninikip ng dibdib na kaugnay ng kondisyon sa puso). Pero bago gawin ang stress test, tinitiyak muna ng doktor na walang nakaambang panganib ng heart attack sa pasyente. Hindi ito puwedeng gawin kapag may posibilidad ng heart attack sapagkat dito sa test na ito, sasailalim sa “stress” ang pasyente.
Ang karaniwang ginagamit sa stress test ay ang “threadmill stress test”. Dito ay palalakarin ng doktor ang pasyente sa isang threadmill (yung katulad ng ginagamit sa mga gym ngayon) na de-motor. Habang naglalakad ang pasyente, mino-monitor ng doktor ang activity ng puso sa pamamagitan ng ECG at blood pressure. Siyanga pala, may nakakabit sa pasyente na mga kawad na parang yung ikinakabit kapag nagpapa-ECG tayo (para sa sinasabi kong monitoring). Unti-unting itinataas ang workload ng puso habang ginagawa ang test. Kada 3 minuto, mas bumibilis ang speed ng threadmill kaya pabigat nang pabigat din ang workload para sa puso. Hanggang sa makaramdam ng paninikip sa dibdib ang pasyente o kung may makitang abnormalidad sa ECG.
In short, sa stress test, pinapagod ang pasyente. Pero may kaakibat na monitoring. Para malaman ang aktibidad ng puso sa ganitong kalagayan.
Kung walang kakayahan ang pasyente na makalakad sa threadmill, puwede ng ibang anyo ng ehersisyo ang gawin gaya ng stationary biking, arm exercises, at sa pamamagitan ng gamot (ito yung tinatawag na “non-exercise stress test”). Oo, may mga gamot na puwedeng magdulot ng “stress” sa puso (in a good way) sapagkat ginagaya nito ang epekto ng pag-eehersisyo gaya ng dobutamine at dipyridamole. Ang mga taong may rayuma o gout o iba pang problema sa paglalakad ay puwedeng sumailalim sa ganitong klase ng stress test.
Kung nakakaramdam kayo ng chest pain o gusto n’yo lamang makasiguro na maayos ang paggana ng inyong puso, subukang sumailalim sa isang stress test.
Karaniwan ay mga cardiologist (espesyalista sa puso) ang gumagawa nito.
- Latest