Lions vs Chiefs; Altas kontra Heavy Bombers kanya-kanyang puwestuhan sa final 4
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang San Beda Red Lions na angkinin ang unang puwesto sa pagharap sa Arellano Chiefs sa playoff sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na alas-4 ng hapon at asahang totodo sa paglalaro ang Lions para mapigil din ang tatlong sunod na kabiguan na bumulaga sa nagdedepensang kampeon.
Magtutuos muna ang host Jose Rizal University Heavy Bombers at Perpetual Help Altas sa ganap na alas-2 ng hapon para alamin kung sino sa kanila ang malalagay sa ikatlong puwesto.
Ang apat na koponang nabanggit ay nakatiyak na magpapatuloy ang kanilang paghahabol sa kampeonato sa liga matapos alpasan ang double-round elimination.
Nagkaroon pa ng pagkakataon ang St. Benilde Blazers na makigulo para sa huling upuan pero nadiskaril ang kanilang plano nang nasilat ng Letran Knights, 57-64, sa pagtatapos ng elims noong Miyerkules.
Dalawang playoff ang nangyari dahil magkasalo ang San Beda at Arellano sa 13-5 baraha habang ang Jose Rizal U at Perpetual ay may magkatulad na 12-6 karta.
Cross-over ang format sa Final Four kaya ang mangungunang koponan ang makakatapat ng papang-apat habang ang papangalawa ay makakasukatan ang papangatlo. Ang San Beda at Arellano ay may twice-to-beat advantage sa kanilang makakalaban.
Ang four-time defending champion San Beda ay nalagay sa unang puwesto sa huling walong taon sa liga at tiyak na nais nilang palawigin ito para tumaas pa ang morale na bahagyang bumaba nang lumasap ng kabiguan sa mga koponan ng Perpetual, JRU at Arellano.
- Latest