EDITORYAL - Panibagong dungis na naman sa PNP
KAMAKAILAN lang may pulis na nagwala at namaril sa Lingayen, Pangasinan dahil hindi nakasingil ng pautang sa mga guro ng provincial high school na ikinamatay ng apat katao. Nakakulong na si PO3 Domino Alipio. Kamakailan lang din nahuli ang isang pulis na umaming inupahan siya para patayin ang car racer na si Enzo Pastor noong Hunyo 12, 2014. Ayon kay PO2 Edgar Angel binayaran siya ng P100,000 ng isang businessman para itumba si Pastor at may bonus pang P50,000.
Kahapon, pinangalanan na ang mga pulis na sangkot naman sa kidnapping na nangyari sa EDSA, Mandaluyong City. Siyam na pulis mula sa La Loma Police Station 1 ang itinuturong kumidnap sa dalawang negosyanteng taga-Mindanao noong Setyembre 1. Nakasakay sa Fortuner ang mga biktima nang harangin ng mga nakasibilyang pulis at tinutukan ng baril. Binasag pa ang salamin ng Fortuner at saka tinangay na ang mga ito. Dalawang pulis na ang nahuli, ayon kay Quezon City Police District Chief Supt. Richard Albano. Kinilala ito na si Chief Insp. Joseph de Vera at PO2 Jonathan Rodriguez. Agad din namang sinibak ni Albano ang hepe ng La Loma Station dahil sa command responsibility. Ang pito pang pulis na pinaghahanap ay sina Senior Inspector Oliver Villanueva, SPO1 Ramil Hachero, PO2 Mark de Paz, PO2 Ebonn Decatoria, PO2 Jerome Datinguinoo, PO2 Weben Masa at Inspector Marco Polo Estrera.
Kung hindi kumalat sa social media ang photo ng mga armadong kalalakihan habang tinututukan ng baril ang mga nakasakay sa SUV ay hindi mabubuking ang kidnapping. Isang kotse, isang van at mayroon pang motorsiklo ang ginamit sa abduction.
Panibagong dungis na naman ito sa PNP. Nakakahiya na talaga. Lalo lamang nadadagdagan ang takot ng mamamayan sa mga naka-uniporme ng asul. Kanino pa lalapit ang mamamayan para humingi ng tulong? Lalapit pa ba sila sa nakauniporme ng asul gayung ito pala ang kikidnap at huhulidap sa kanila. Nakakatakot na talaga. May magagawa pa kaya ang hepe ng PNP sa nangyayaring ito?
- Latest