‘Gurang na pala!’
‘WAG mong linlangin ang iyong sarili na mapapaibig mo ang isang tao na higit na mas bata sa’yo at kayo’y magsasama ng maligaya na panghabambuhay. “Ganyan na pala edad mo. Bakit kailangang itago? Mas matanda ka di-hamak sa akin. ‘di mo man lang pinaalam!” matapang na sabi kay ‘Tess’.
Labing tatlong taong agwat sa edad ang nagpagtantong dahilan ni Ma. Theresa Talao, o “Tess” kung bakit daw biglang nanlamig sa kanya ang mister niyang si Remigio Talao o “Oto”, 31 taong gulang.
“Mula ng malaman niyang 44 anyos na ako napansin kong tuwing sakay niya ko sa sidecar… sinadsya niyang dumaan kami sa lubak para maumpog ako,” pagsasalarawan ni Tess. Dating ‘call center agent’ sa Maynila si Tess bago pa siya magpunta sa Dubai nung taong 2010, bilang taga linis ng ‘class rooms’. Sa Dubai na nakilala ni Tess si Oto. Buwan ng Marso 2010, sinama si Tess ang kaibigang si Mads, kasamahan din niya sa trabaho sa isang party sa tapat ng kanilang ‘barracks’, bandang 9:00 ng gabi. Kung tawagin nila ang lugar na ito ay ‘Conrich’. Isang resort na may cottages. Dito niya nakilala si Oto, factory worker nun sa pagawaan ng ‘toothpaste’, taga salansan ng ‘tube’. Nagkwentuhan ang dalawa. Nalaman ni Tess na tubong Pampanga si Oto, pito silang magkakapatid. ‘Welder’ siya sa Pinas.
“Nasa 27 anyos pa lang siya nun… mas bata. Hindi ko binigay ang totoong edad ko sabi ko 27 taon din ako,” ani Tess. Naging mag-‘textmates’ na sila. Napadalas din ang pagkikita nila sa Conrich hanggang magsama sila sa Dubai.
“Nilihim ko na ng tuluyan ang edad ko. Gusto ko muna hulihin ang loob niya… nawalan na ko ng pagkakataong sabihing 40 anyos na ako,” ani Tess.
Oktubre 2011, umuwi ng Pinas si Oto. Naiwan naman nun si Tess matapos daw nila malamang walang pala silang working permit sa Dubai. Nakulong si Tess ng isang araw at nanatili sa POLO-OWWA sa loob ng apat na buwan bago makabalik ng Pinas. Sinundo siya sa airport ni Oto. Isang araw lang siyang umuwi sa bahay nila sa Maynila dinala na siya sa Pampanga, Marison Subdivision sa kapatid nito. Isang buwan silang namalagi dito bago sabihin ni Oto na ayos na ang bahay na pinatayo niya sa Asuncion, Pampanga na kanilang titirahan. Ang loteng ito ay pagmamay-ari ng kanyang mga magulang subalit siya ang nagpatayo ng bahay. Pagbisita nila dun hindi pa daw gawa ang bahay.
“Bulok pa ang mga bubong. Hindi pa maayos ang kusina at lupa pa ang harapan,” pagsasalarawan ni Tess.
Kinausap ni Oto si Tess at hinikayat daw siyang gamiting pampuhunan sa negosyo ang naipon sa Dubai.
“Nasa P26,000 ang binigay ko. Bumili kami ng mga scrap na bakal, tubo, flat bar, angular sa mga junkshop at saka namin binibenta sa mga kamag-anak ni Oto na bumibili ng second hand na bakal,” kwento ni Tess.
Doble daw ang kita kaya’t nakabili sila paunti-unti ng materyales at naipagawa ang bahay nila Oto. Maayos ang naging relasyon nila Oto at Tess. Maging ang pagtira sa bago nilang bahay kasama ang ina ni Oto at mga kapatid. Taong 2012, lumuwas sila ng Maynila ni Oto para magpa-‘check-up’ sa doktor si Tess dahil sa sakit na myoma. Nun lang daw nalaman ni Oto ang tunay na edad ni Tess… 42 taong gulang na siya ng mga panahong iyon.
“Ganyan na pala ang edad mo bakit ‘di mo sinabi?” sabi daw ni Oto sabay natahimik. Nagpaliwanag si Tess subalit wala ng nasabi si Oto. Mula nun napuna na ni Tess ang pagbabago sa asawa. Nagagawa na umano siyang saktan nito.
“Yung buhat niyang bakal pinapatama niya sa’kin parang sinasadya niya. May pagkakataon ding pinilipit niya ang kamay ko habang hawak ko ang cellphone… sa harap pa mismo ng ina ko,” ayon kay Tess.
Ganito man ang sitwasyon nakisama pa rin siya sa lalake. Nakapagpundar silang muli ng bahay sa Porac, Pampanga. Nanatili si Tess sa piling ni Oto lalo na nung panahong nag-aaway na umano si Oto at kanyang pamilya sa usaping lupa at naiwang utang daw ni Oto.
“Nagkasakitan na kami ng isang kapatid niya at nagbaranggayan. Ako pa rin ang nagpakumbaba matapos lang. Pinagbayad rin kami ng 900 kada buwan sa bahay na pinatayo namin pero tiniis namin, nitong huli napuno na lang kami ng asawa ko,” sabi ni Tess.
Maging siya nakakaranas umano ng pambabastos sa pamilya ni Oto. Ganito mang kagulo ang sitwasyon ni Oto, hindi tumanggi si Tess ng ayain siyang magpakasal ni Oto sa Huwes nung Hulyo 18, 2012. Bumukod sina Tess at dito na tumira. Natigil daw ang papanakit ni Oto subalit pagtagal matigas na kartong parang tubo na ang pinalo umano nitong mister sa kanyang ulo sa harap ng maraming tao.
“Parang pinapakita niya pang sa taong bugbugin ako…” ani Tess.
Harap-harapan rin umanong nanliligaw si Oto ng ibang babae.
“Meron kaming nakasabay na babae sumamba… sinusundan niya, pilit niyang pinapasakay sa traysikel kahit ayaw. Yung kapatid naman ng may-ari ng tindahan sa’min pinopormahan niya rin,” ayon kay Tess.
Nitong huli ika-15 ng Hunyo 2014, bandang 4:45PM, bigla na lang tumigil sa tapat ng bahay nila ang kaibigan ng mister lulan ng motor.
“Nirebulusyon nito ang motor kaya’t umingay ang tambutso… Naisip ko baka may atraso asawa ko kaya ginising ko siya… sabi ko ‘Ano na namang ginawa mo?!’ Tapos sinagot niya ko ng isang sapak,” kwento ni Tess.
Halos ngumiwi daw ang panga ni Tess sa lakas ng sapak ni Oto. Ito daw ang dahilan ng pag-alis niya sa kanilang bahay.
“Sinabi ko magpapa-check-up lang ako sa Maynila pero ang totoo hindi na ako babalik sa kanya. Hindi ko na kayang makisama,” sabi ni Tess.
Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa’min. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes) 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Tess na kung gusto niya mahiwalay dito sa mister kailangan niya mag-file ng kasong ‘legal separation’ subalit hindi nangangahulugang wala ng bisa ang kanilang kasal at pwede na silang makipag-relasyon sa iba. Kung gusto niyang tuluyang maputol ang kanilang ugnayan magsampa siya ng ‘annulment’. Bilang tulong ni-‘refer’ namin si Tess sa Public Attorney’s Office (PAO) Angeles, Pampanga para sa kanyang kaso. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.
- Latest