2 parak, 1 gov't official tiklo sa gun ban
MANILA, Philippines – Dalawang pulis at isang opisyal ng gobyerno ang kabilang sa mga nahuling lumabag sa election gun ban ng Commission on Elections para sa nalalapit na barangay elections sa Oktubre 28.
Sinabi ng Philippine National Police ngayong Huwebes na 79 katao ang nadakip mula nang ipatupad ang gun ban noong Setyembre 28.
Dagdag nila na umabot na sa 65 na iba’t ibang armas ang kanilang nakumpiska, kabilang ang 25 matatalim na armas at apat na granada.
Nakasabat na rin ang mga awtoridad ng 529 iba’t ibang bala.
Mananatili ang gun ban hanggang Nobyembre 12.
Inilabas ni PNP chief Director General Alan Purisima ang memorandum circular No. 32 or SAFE 2013-ALPHA noong Setyembre 11 kung saan layunin nitong makipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng Joint Peace and Security Coordinating Center.
Kaugnay na balita: 45-day gun ban ng PNP ipapatupad
Sinabi naman ni Deputy Director General Felipe Rojas, National Task Force SAFE 2013-Alpha Commander at PNP Deputy Chief for Operations, na makakalusot sa gun ban ang mga kumuha ng permit para sa Mayo 2013 national elections.
- Latest
- Trending