4,000 pulis idineploy sa BARMM elections

MANILA, Philippines — Umaabot sa 4,000 pulis mula sa iba’t ibang rehiyonal na tanggapan sa Mindanao Region ang idineploy upang tiyakin ang mapayapa at matiwasay na kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na nakatakda sa Setyembre 14, 2026
Sa report ng PNP Regional Offices, ang mga pulis na isinabak para sa BARMM Parliamentary polls ay mula sa Davao (Region XI), SOCCSKSARGEN (Region XII ) Northern Mindanao ( Region 10), Zamboanga Peninsula (Region 9) at Police Regional Office 13 (CARAGA Region).
Ang nasabing mga pulis ay mangangalaga para sa katiwasayan ng halalan habang ang iba ay magsisilbing miyembro ng Special Electoral Boards.
Ang Police Regional Office (PRO) 12 (SOCCSKSARGEN) ay nagpadala ng 808 PNP personnel sa isinagawang send off ceremony sa Capitol Ground, Kidapawan City, Cotabato. Sila ay isinabak sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at Cotabato City habang may Quick Reaction Forces namang naka-standby na handang magresponde sakaling may mga emergencies. Habang ang Police Regional Office 10 (Northern Mindanao) ay nag-deploy ng 901 police personnel kabilang ang 380 na magsibiling Special Electoral Boards habang ang iba ay mangangalaga sa seguridad at operational na suporta.
Samantala, ang Police Regional Office 13 (CARAGA Region) ay nasa 887 namang personnel ang itatalaga sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Special Geographic Area (SGA) at Maguindanao del Sur.
Idinagdag pa rito ang nasa 821 PNP personnel na mangangalaga rin sa katiwasayan ng halalan mula sa Zamboanga Peninsula na saklaw ng Police Regional Office (PRO) 9.
Sa Davao Region na nasasakupan ng Police Regional Office 11 ay nagsagawa na nitong Miyerkules ng umaga ng send off ceremony sa nasa 869 pulis kung saan 500 dito ay magsisilbing Special Electoral Boards.
- Latest



















