Middleman sa pagpatay sa pro-Marcos vlogger, sumuko
MANILA, Philippines — Sumuko na sa mga otoridad ang ikatlong suspek sa pagpaslang sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, habang nananatiling nakalalaya ang tatlo pang suspek na kinabibilangan ng dalawang “utak” sa krimen.
Ito ang sinabi ni Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili kung saan si “A.F.” na nagsilbing middleman ay sumuko noong Hulyo 24 sa Mabalacat City Police Station sa Pampanga.
Nauna nang naaresto sa Mabalacat City noong Hulyo 23 ang dalawa suspek na umano’y gunman at driver.
Nananatiling pinaghahanap ang tatlong suspek, kabilang ang umano’y mga mastermind na sina “Boss A” at “Jane Doe”, gayundin ang isa pang hinihinalang middleman na si “C.B.”
Sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder ang anim na suspek.
Nahaharap din ang gunman at driver sa hiwalay na mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at sa batas laban sa ilegal na pagkuha o pagmamay-ari ng mga pampasabog.
Magugunita na si Lipata ay pinagbabaril sa labas ng kanyang bahay sa Caloocan City noong Hulyo 17 habang sugatan naman ang kanyang live-in partner.
- Latest
















