21-anyos cum laude, dedo sa nabuwal na puno!

MANILA, Philippines — Kinarit ni kamatayan ang isang 21-anyos na nagtapos ng cum laude matapos masapol ng nabuwal na matandang punong kahoy sa kahabaan ng highway ng Brgy. Siblong, Bucay, Abra kamakailan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Winche Baño, nagtapos ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in Science, at nasungkit ang karangalan bilang cum laude sa University of Abra-Langangilang campus.
Sa ulat ni P/Captain Miguel Cawi Jr., hepe ng Bucay Municipal Police Station (MPS), kasalukuyang angkas sa motorsiklo na minamaneho ng kaniyang ama ang biktima nang biglang mabuwal ang isang matandang puno sa tabi ng highway.
Eksakto naman padaan sa lugar ang mag-ama at bumagsak ang puno sa kanila at sa kamalasan ay napuruhan ang biktima sa ulo.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero idineklarang dead-on-arrival habang nagtamo ng bahagyang sugat sa katawan ang ama nito.
Ayon sa pulisya, bagama’t nakasuot ng helmet ang mag-ama ay hindi sapat ito para masagip ang buhay ng nasawi.
Nabatid pa na nakatakda nang mag-review ang biktima para sana makapagturo sa school.
- Latest





















