Manhunt vs Bato, simula na – PNP

MANILA, Philippines — Nagsimula na ang manhunt laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng pagtatapos kahapon ng isang linggong ultimatum ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa pagsuko nito.
Nabatid kay PNP Deputy Chief for Administration PLtGen. Wilson Lopez, na bumuo na ang Philippine National Police (PNP) ng mga tracker teams gayudin ang mga regional offices na tututok sa paghahanap at pag-aresto kay Dela Rosa. Nagdagdag din ang PNP ng mga hotline upang makatanggap ng impormasyon mula sa publiko na makatutulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng senador.
Tiniyak ni Lopez na hindi tatalikuran ng pulisya ang tungkulin nitong ipatupad ang batas at arestuhin si Dela Rosa. Muli itong umapela kay Dela Rosa na sumuko ng mapayapa.
“Hindi niya hahayaang may masaktan. Kung sa puso niya ay naroon pa ang kanyang pagiging tatay ng Philippine National Police,
alam kong hindi niya hahayaan na mayroong isa o dalawa o any member of the Philippine National Police na masaktan.Patuloy kaming humihingi ng tulong sa kanya, patuloy kaming nagsusumamo sa kanya na sumuko na siya para maiwasan natin ang lahat ng magiging problema.” ani Lopez.
Nakatanggap na ang PNP ng maraming tawag mula sa mga hotline na inilaan para sa mga impormasyong makatutulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng senador. Gayunman, patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang mga natanggap na impormasyon. Wala rin umanong natatanggap na pahiwatig ang pulisya tungkol sa posibleng kusang pagsuko ni Dela Rosa.
Samantala sa pinakahuling ulat ng Bureau of Immigration (BI), nasa bansa pa rin ang senador.
Nag-alok si Remulla ng P50 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa kanyang kinaroroonan at ikadarakip ni Dela Rosa.
Nahaharap si Dela Rosa sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Inakusahan ang senador na kasabwat sa mga umano’y krimeng nagawa sa naturang kampanya.
- Latest
















