‘Kulambo’ image ng mga Duterte, wasak sa AMLC record
MANILA, Philippines — Mistulang winasak ng record ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang matagal na panahon ng umano’y pinalilitaw na imahe ng simpleng pamumuhay at kulambo gimmick ng pamilya ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni House trial Spokesman at adviser Robert Ace Barbers dahilan sa “money trail” ay bistado na ang pagkukunwari sa ilang taong ipinakikitang imahe ng umano’y kasimplehan ng pamilya Duterte.
“Ilang taon nilang ipinakita sa publiko ang imahe ng simpleng buhay—natutulog sa kulambo, kumakain sa karinderya, at namumuhay na parang karaniwang Pilipino. Pero ngayon, may mga financial records na kailangang ipaliwanag. Hindi na sapat ang imahe. Ang dokumento ang dapat magsalita,” saad ni Barbers.
Ayon pa kay Barbers na ang nalantad na rekord ng AMLC sa impeachment trail ay nagpabago ng karakter saka pinansyal na yaman at mga ari-arian ng pamilya Duterte.
Binigyang diin ni Barbers na ang impormasyon ng AMLC ay hindi dapat balewalain para sabihing pamumulitika lamang ito tulad nang pinalilitaw ng kampo ni VP Sara dahilan dapat itong masiyasat na mabuti.
Inihayag ni Barbers na kung ang ipinakikitang buhay ay simple at ordinaryo pero ang financial trail ay nagpapakita ng malalaking halaga at transakiyong kailangang ipaliwanag na dito’y natural lamang aniya na magtanong ang publiko.
- Latest






















