5 Grade 11 nag-cutting classes, patay sa outing!

MANILA, Philippines — Lima sa 11 na high school students ang patay nang tangayin ng rumaragasang flashflood nang umano’y mag-cutting classes at palihim na mag-outing sa isang ilog sa bayan ng Roseller T. Lim sa Zamboanga Sibugay, ayon sa ulat nitong Sabado.
Kinumpirma kahapon ng mga local executives at opisyales ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office sa mga mamamahayag kahapon ang pagkasawi ng limang magkakaklase na sina Dave Cahilig, Jia Fernandez, Hannah Karanain, Kizzy Aganon at Myka Baynosa; pawang Grade 11 students ng Surabay National High School.
Ang mga bangkay ng mga biktima ay magkakasunod na natagpuan nang mapadpad sa isang bahagi ng tubig, na malayo sa lugar kung saan sila huling nakita ng mga residente na naliligo sa ilog.
Sa ulat ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon nitong Huwebes sa Purok Santan, Brgy. New Antique, ng nasabing bayan.
Ayon sa pulisya, nagkatuwaang maligo sa ilog ang grupo ng mga estudyante nang hindi ipinaalaam sa kanilang pamilya.
Lumilitaw sa imbestigasyon na biglang tumaas ang tubig matapos na rumagasa ang flashflood galing sa bundok na bumagsak sa nasabing ilog
Dahil dito, mabilis na tinangay ng tubig-baha ang mga estudyante at makalipas ang ilang oras ay unang narekober ang bangkay ni Cahilig.
Nasagip naman ng emergency response team at mga personnel Bureau of Fire Protection at the RT Lim Municipal Police Station ang anim sa mga estudyante na sina Wendell Cabucos, Rodel Boguillon, James Empas, Jonry Talledo, Reymark Dacuba at Jannisher Salipmuksin.
Nilamon naman ng tubig baha ang apat pang estudyante at kalaunan ay magkakasunod na natagpuan ang kanilang mga bangkay.
Ayon sa mga usapan at texts messages na kumalat, lumalabas na nagkasundo ang mga magkakaklase sa mag-cut ng kanilang klase para mag-outing sa nasabing ilog na nauwi sa malagim na trahedya na ikinasawi ng lima sa kanila.
Tutulungan ng lokal pamahalaan ang mga pamilya para sa pagpapalibing sa mga labi nina Cahilig, Fernandez, Karanain, Aganon at Baynosa.
- Latest


















