Bianca at Esnyr, bumida sa half sisters

Dobleng tawanan at takutan ang hatid ng Pinoy Big Brother Collab twins na sina Bianca de Vera at Esnyr Ranollo na gaganap bilang magkapatid na manananggal sa bagong iWant vertical serye na Half Sisters na nag-umpisa na kahapon, Setyembre 25 (Biyernes).
Makakasama rin nina Bianca at Esnyr sa serye ang PBB Collab Big Winner na si Brent Manalo bilang love interest ng magkapatid, pati sina Xyriel Manabat at Petite.
Sa direksyon ni Julius Alfonso, iikot ang serye sa hating magkapatid na Emily (Bianca) at Ramon (Esnyr) na sila’y manananggal pala. Sa rebelasyon ni Ramon sa kanyang kapatid, hindi lubusang matanggap ni Emily na may lahing halimaw ang dalawa.
Hindi lang ang kanilang katawan ang maghihiwalay kundi pati na rin ang kanilang samahan nang parehas silang mapapaibig kay Pancho (Brent) na kanilang pagtatalunan.
Ang Half Sisters ay ang kauna-unahang vertical drama series ng Star Creatives matapos ang mainit na pagtanggap sa mga serye nitong The Loyalty Game at The Secrets of Hotel 88.
Jel Rey, nagbigay ng bagong timpla sa kantang tungkol sa mapait na desisyon
Binigyan ng singer-songwriter na si Jel Rey ng bagong timpla ang kanyang kantang lapit-layo sa pamamagitan ng alternate version nito na tungkol sa mapait na desisyon na pagtatapos ng isang relasyon.
Unang inilabas bilang bahagi ng kanyang sophomore EP na Southbelle 517, umiikot ang lapit-layo sa pagpapalaya sa taong iniibig kahit na ikinalulungkot ito ng puso. Isinulat at iprinodyus mismo ni Jel Rey ang bagong bersyon ng awitin. “Akala ko hanggang dulo tayo, ba’t nasa dulo na tayo?” paglalarawan ni Jel Rey sa kanta sa social media.
Kilala sa totoong buhay na John Lloyd Reyes, sa kanyang mga awiting hango sa personal na karanasan at emosyon, na kanyang nilalagyan ng iba’t ibang tunog mula sa rock, hip hop, pop at soul.
Inilabas niya ang debut single na hele pono sa ilalim ng StarPop noong 2023, na umani ng nominasyon para sa Best Performance by a New Solo Artist sa 37th Awit Awards.
Napasama rin sa ilang Spotify playlists ang mga kanta mula sa kanyang debut EP na Terapewtike, bago niya sinundan ito ng Naiilang, na pumasok sa Top 10 ng Spotify Viral Songs Philippines at nakakuha ng mahigit 515,000 streams.
Noong Enero, inilabas din niya ang kanyang sophomore EP na Southbelle 517, tampok ang single na Gusto Kitang Pakasalan na napakinggan sa iWant microdrama series na The Chambermaid’s Daughter season 2. Kamakailan ay nakasama niya ang OPM band na The Red Strings sa kanilang Live Sessions Tour sa SM City Bataan.
Shuvee at Anthony, patok sa romcom
Trending ang From Vlog to Love na digital series at first lead project ng Sparkle stars na sina Shuvee Etrata at Anthony Constantino! Gumaganap sila rito bilang sina Angge at Bullet na mala-aso’t pusang intern at hunk CEO ng isang resort.
Sa pilot episode nito sa GMA Network YouTube channel noong Sept. 18, marami ang kinilig at napasaya ng feel-good series ng AnVee love team. Dahil diyan, marami ang humihirit na mabigyan sila ng Wattpad o K-Drama adaptation na talagang patok sa viewers lalo na sa mga Gen Z.
Pwedeng balik-balikan ang first two episodes ng kilig series sa GMA Network YouTube channel at abangan ang iba pang episodes ng From Vlog to Love ganap na 7:00 p.m. this Sept. 25, Sept. 26, Oct. 2 at Oct. 3.
- Latest























