58th, humataw sa MIFF

Ipinagpatuloy ng groundbreaking animated documentary ng GMA Network na 58th ang matagumpay nitong paglalakbay sa international scene matapos magwagi ng three major awards sa 3rd Manila International Film Festival (MIFF) sa Hollywood, kabilang ang Best Picture Documentary Award.
Isang produksyon ng GMA Pictures at GMA Public Affairs, tinatalakay ng 58th ang Maguindanao Massacre noong 2009—na itinuturing na pinakamadugong pag-atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan.
Gamit ang kombinasyon ng animation at archival footage, binibigyang-diin nito ang kwento ni Reynaldo “Bebot” Momay, na ang labi ay hindi kailanman natagpuan at ang pamilya ay patuloy na humihingi ng pagkilala bilang ika-58 biktima ng masaker.
Nagwagi ng Best Director para sa pelikula si Carl Joseph Papa.
Samantalang, iginawad naman ang Shining A Light award ng festival sa anak ni Momay na si Reynafe Castillo dahil sa kanyang mahalagang kontribusyon at dedikasyon sa proyekto.
Ang 58th din ang nagsilbing huling habiling pelikula ng yumaong si Ricky Davao, na gumanap bilang si Reynaldo Momay.
Pinagbibidahan ito nina Glaiza de Castro, kasama sina Mikoy Morales, Marco Masa, Zyren Dela Cruz, at Biboy Ramirez.
Nauna na itong kinilala ng 58th sa Doc Edge Festival sa New Zealand.
Nagkaroon na rin ito ng world premiere sa International Film Festival Rotterdam (IFFR)—ang kauna-unahang pelikulang gawa ng GMA na naipalabas sa prestihiyosong festival na ito—at kalaunan ay napabilang sa Top 10 Audience Choice Films doon.
Napili rin ang pelikula para sa Annecy International Animation Film Festival sa France sa ilalim ng kategoryang Contrechamp Feature Films.
Susunod itong ipalalabas sa sikat na 31st Busan International Film Festival ngayong Oktubre.
Sa Pilipinas, nagkaroon ng premiere ang 58th sa Cinemalaya Film Festival noong nakaraang Agosto.
Ang animated film ay napili rin kamakailan bilang isa sa mga pagpipilian para sa opisyal na lahok ng bansa sa kategoryang Best International Feature Film sa ika-99 Academy Awards.
- Latest


























