Bonoan akusado pa rin sa flood control case - Sandiganbayan
MANILA, Philippines — Tinanggihan ng Sandiganbayan Second Division ang kahilingan ng prosekusyon na amyendahan ang kaso upang alisin bilang akusado si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa graft case na may kaugnayan sa kontrobersyal na flood control projects.
Layunin sana ng Office of the Ombudsman na gawing state witness si Bonoan laban sa iba pang akusado, kabilang si Sen. Jinggoy Estrada.
Sa resolosyon na naipalabas kahapon ng graft court, tinanggihan nito ang motion for leave to file amended information para alisin si Bonoan mula sa kaso na may petsang Hunyo 29.
Ayon sa graft court ang pagtatanggal kay Bonoan ay maaaring makaapekto sa depensa na ilalatag para kay Estrada.
Ang hakbang ay hindi naman umano makakaapekto sa pagiging isang potential value ni Bonoan bilang posibleng witness para sa panig ng prosekusyon at sa bigat ng testimonya na ihahayag nito sa korte.
Ayon sa graft court, hindi naman mahahadlangan ang anumang hakbang ng prosekusyon para sa kahilingang pagtatanggal sa kaso kay Bonoan para maging state witness dahil malaya ang sinuman na hingin ito pero dapat ay maipakikita na nasusunod ang mga rekisitos.
Si Bonoan ay kapwa akusado ni Estrada sa umano’y P573 milyong kickback sa flood control project ng gobyerno.
- Latest


















