BFAR vessel binomba ng tubig ng China Coast Guard - PCG
MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang nambomba ng tubig sa isang barko ng pamahalaan ng Pilipinas malapit sa Bajo de Masinloc nitong Huwebes ng umaga habang isa pang barko ng CCG ang nagsagawa naman ng dangerous maneuver laban sa isa pang barko ng bansa.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the WPS Rear Admiral Jay Tarriela, nangyari ito sa Bajo de Masinloc kung saan mamamahagi ng fuel subsidy at mga pagkain sa mga Pilipinong mangingisda.
Nabatid na bago mag-alas-6:00 ng umaga nang lumapit ang barkong CCG-3302 sa BRP Datu Dumangsil sa layong 50 metro lamang at dito na sila binomba ng tubig na tumagal nang mahigit dalawang minuto.
Bukod sa water cannon, nagsagawa rin umano ng delikadong pagmamaniobra ang CCG-21579 matapos dumaan sa unahan ng BRP Datu Paiburong.
Sabi ni Tarriela, walang napaulat na nasaktan at ipinagpatuloy din ng mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kanilang misyon.
Matagumpay naman ang pamamahagi ng fuel subsidy at food packs habang nagpatuloy sa pagpapatrolya at resupply operations ang BRP Datu Sumakwel.
- Latest















