^

Punto Mo

‘Blockbuster’ ang impeachment trial

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY isang ipinalalabas ngayon sa TV at social media na ma­ituturing na ‘‘blockbuster’’ dahil sa rami ng nanonood at sa haba ng palabas. Ito’y ang impeachment trial laban kay VP Sara Duterte dahil sa paratang na maling paggamit ng confidential funds na nagkakahalaga sa kabuuan ng P612.5 million; hindi maipaliwanag na yaman na hindi inihayag sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2022 hanggang 2024; panunuhol at mga iregularidad sa pagbili ng mga gamit ng DepEd; at bantang pagpatay sa Presidente, First Lady, at House Speaker.

Ang iskedyul ng impeachment trial ay tatlong beses bawat linggo at bawat paglilitis ay tumatagal nang hanggang anim na oras. Walang ganito kahabang palabas sa TV o social media. Ang karaniwang haba ng serye sa TV ay isang oras, samantalang sa social media ay 15 hanggang 30 minuto lamang. Sa kabila nito, marami pa rin ang sumusubaybay sa impeachment trial series, bagamat marami na ang naiinip.

Talaga bang marami ang interesado sa impeachment trial? Sa sarbey na ginawa ng OCTA Research noong Abril, lumabas na 74 porsyento ng mga Pilipinong nasa edad ang sumusuporta sa impeachment trial na ito. Tumaas ang porsyento dahil noong Marso ay 69 porsyento lamang. Ang pinakamalaking suporta ay naitala sa Bisaya, 82 porsyento; NCR, 81 porsyento; iba pang parte ng Luzon, 77 porsyento; at Mindanao, 58 porsyento. 

Gayunman, ang resulta ng sarbey ay hindi kasingkahulugan ng paghatol na nagkasala si VP Sara.  Ito’y kapahayagan lamang ng mataas na pagnanais ng mga mamamayan na malaman ang katotohanan, na mabigyan ng pagkakataon si VP Sara na maipagtanggol ang kanyang sarili. Sa kasamaang-palad, hanggang ngayon ay hindi pa rin sumisipot si VP Sara, bagamat kinakatawan siya ng mga batikang abugado.

Maganda itong kapahayagan ng pagtaas ng kamulatan ng mga mamamayan. Hindi lamang ang mga Senador ang hahatol kay VP Sara. Siya’y hahatulan din ng mamamayang Pilipino kung karapat-dapat pa siyang mamuno bilang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa. Kahit mapatunayang nagkasala ay hindi naman siya makukulong, ngunit hindi na siya maaaring makatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno, kahit na kapitan ng barangay.

Ang impeachment ay may kinalaman sa pananagutan. Ito ang paraan upang matanggal sa tungkulin ang President, Vice President, Senate President, Speaker of the House, Supreme Court Chief Justice at tagapamuno ng mga Constitutional bodies na katulad ng COMELEC AT OMBUDSMAN, kung sila’y nasangkot sa paglabag sa Konstitusyon.

Ang mga Senador ang nagsisilbing hukom sa isang impeachment trial, sila ang huhusga sa Vice Presidente kung ito’y nagkasala o hindi. Pero ang mga Senador ay nahaharap din sa paghusga ng mga mamamayan kung sila’y magpapasya base sa ebidensya at konsensya; kung sila’y para sa katotohanan at katarungan, at hindi para sa isang tao o grupo.

Pero sa totoo lang, ang huhusgahan sa impeachment trial na ito’y hindi lamang si VP Sara, hindi lamang ang mga Senador na tumatayong mga hukom, kundi ang bawat mamamayang Pilipino.

Ang resulta ng paglilitis ang siyang magsasabi kung may pag-asa pa ang demokrasya sa Pilipinas. Kung pwede pa nating kantahin ang huling linya sa ating pambansang awit na nagsasabi, «Aming ligaya na pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa iyo.»

IMPEACHMENT

SARA DURTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with