Cluster nanilat sa PHILRACOM Handicapping race
MANILA, Philippines — Napanood ng mga karerista ang husay ng Cluster matapos nitong sikwatin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Mabilis na lumabas ng aparato ang Sahib para hawakan agad ang unahan habang nakatutok sa kanya ang outstanding favorite na Cluster at nasa pangatlo ang Best sa kaagahan ng karera.
Subalit papalapit palang sa kalagitnaan ng karera ay kumukuha na ng unahan ang Cluster at walang kahirap-hirap na nilampasan nito ang Sahib.
Pagdating sa far turn ay nasa dalawang kabayo na ang lamang ng Cluster sa Sahib habang kumuha ng tersero puwesto ang Valley Bell sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Ayaw magpaawat ng Cluster dahil lumayo pa ito sa limang kabayong lamang sa hinihingal na Sahib pagsapit sa huling kurbada.
Halos kuha na ng Cluster ang panalo sa rektahan dahil umabot pa sa anim na kabayong agwat sa sumesegundong Valley Bell ang lamang nito.
Ginabayan ni jockey Dan Camanero, tinawid ng Cluster ang meta ng may walong kabayong bentahe sa sumegundong Valley Bell, tersero ang Bravo habang pumang-apat ang Calagbangan River.
Nirehistro ng Cluster ang impresibong tiyempo na 1:24.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla ang P30,000 added prize.
- Latest
















