DOH: 1M kabataan may high blood

MANILA, Philippines — Nagpaalala ang Department of Health (DOH) na hindi lamang mga nakatatanda ang maaaring magkaroon ng altapresyon o high blood pressure kundi maging ang mga kabataan, kaya mahalagang maagang masanay ang mga ito sa wastong pagkain at regular na ehersisyo.
Sa inilabas na paalala nitong Sabado, sinabi ng DOH na batay sa pag-aaral noong 2015, tinatayang nasa isang milyong Pilipino na edad 20 hanggang 24 ang mayroon nang altapresyon.
Ayon sa ahensiya, kabilang sa mga pangunahing sanhi nito ang madalas na pagkain ng hindi masustansyang pagkain, kakulangan sa pisikal na aktibidad, paninigarilyo, pagva-vape, pag-inom ng alak, kakulangan sa tulog, at matinding stress.
Ayon naman sa huling datos mula sa Department of Science and Technology - Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), nasa bandang 7% ng mga kabataang Pilipino (adolescents na may edad 10 hanggang 17 taong gulang) ang mayroon nang hypertension o altapresyon.
Dahil dito, hinikayat ng DOH ang mga magulang at kabataan na gawing bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ang tamang nutrisyon at regular na ehersisyo upang mabawasan ang panganib ng altapresyon at iba pang sakit sa puso.
Pinaalalahanan din ng ahensiya ang publiko na regular na magpatingin at magpa-monitor ng blood pressure upang maagang matukoy at maagapan ang posibleng komplikasyon ng sakit.
Ang hypertension ay tinaguriang isang “silent killer” dahil madalas ay wala itong pinapakitang malinaw na sintomas sa simula. Kung hindi ito maaagapan, maaari itong magdulot ng mas malulubhang sakit sa puso o stroke sa kanilang pagtanda.
- Latest


















