Bayani, susubok ulit sa pulitika!
Bagama’t kilala bilang komedyante, seryoso si Bayani Agbayani pagdating sa usapin ng pulitika, lalo na sa isyu ng katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan.
Minsan na siyang nag-post kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects. Aniya, dapat patawan ng parusang kamatayan ang mga mapapatunayang sangkot sa korapsyon upang hindi na ito tularan ng iba.
“Kapag nagnakaw ka, binoto ka ng tao o nasa poder ka ng gobyerno nagtatrabaho, dapat bitay. Para sa ganu’n wala nang gumaya pa na iba. Kasi po ‘yan talaga ang problema natin, graft and corruption, plunder. Kasi parang ginagawa nilang negosyo ang pagpasok sa gobyerno,” pahayag ni Bayani.
Binigyang-diin din ng komedyante ang kahalagahan ng paggalang sa paninindigan ng bawat isa. Hindi raw dapat ipilit ng isang tao ang kanyang sariling pananaw sa iba.
“Dapat kung ano ang ating paninindigan at paniniwala, igalang ng bawat kapuwa. Kasi hindi naman puwedeng kung gusto mo ng chicken, gusto ko rin. Malamang gusto ko steak pero pareho tayong kakain, sabay sa isang kanin.
“Hindi puwedeng kung ano ‘yung gusto mo, gusto ko. Kahit sa pag-aasawa, lahat ng ugali ni Lenlen [misis niya] na kaiba sa akin ay tinatanggap ko. Kasi magkaiba kami ng paninindigan, magkaiba kami ng magulang, magkaiba kami ng kinagisnan, magkaiba kami ng paniniwala, although mag-asawa kami. Kaya dapat igalang ‘yon,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Bayani, plano niyang muling sumubok sa pulitika matapos na hindi palarin ang sinamahan niyang partylist group noong 2025 elections.
Yasser, ayaw pag-usapan ang hiwalayan nila ni Robb!
Naging emosyonal at napaiyak si Yasser Marta nang tinanong siya kung hiwalay na ba sila ng sexy actress na si Robb Guinto.
Sagot ni Yasser: “Parang respeto na lang din sa kanya. Parang ayoko talaga magsalita ng kung anuman.”
Inamin ni Yasser na hindi naman bago sa kanya ang sitwasyon nila ngayon at marami pa rin siyang natututunan mula rito.
“Hindi naman bago kasi I’ve been in this situation before. ‘Yun ang daming learnings lang din na natututunan,” pahayag niya.
Kinumpirma nina Yasser at Robb ang kanilang relasyon noong March 2026.
- Latest























