72-anyos Canadian na banta sa pang-aabuso ng mga bata, dinakip

MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 72-taong-gulang na Canadian national na overstaying at itinuturong potensyal na banta sa mga bata kasunod ng kanyang dokumentadong kasaysayan ng pang-aabusong seksuwal sa kanilang bansa.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhang si Orville Frank Mader, na inaresto ng BI agents noong gabi ng Hunyo 30 sa Brgy. Caingin, Santa Rosa City, Laguna.
Inalerto ng mga awtoridad ng Canada ang BI tungkol sa presensya ni Mader sa Pilipinas matapos kumpirmahing nakansela ang kanyang pasaporte sa Canada.
Sa rekord, si Mader ay nahuli sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon sa Canada dahil sa umano’y mga sekswal na pagkakasala laban sa mga bata, noong 2016 at noong 2022.
Ayon sa rekord ng BI, huling pumasok si Mader sa Pilipinas noong Setyembre 29, 2015 bilang pansamantalang bisita at napaso ang pananatili nito sa bansa dahilan para ideklarang undocumented at overstaying alien.
- Latest





















