‘Hazing’ sa pagkamatay ng 2 student athlete, lumalakas — PNP
MANILA, Philippines — Sa patuloy na imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay lumalakas na ang anggulo ng pagkamatay ng dalawang Ateneo De Manila University (ADMU) student athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili na nalunod sa team building sa Dipaculao, Aurora ay ‘hazing’.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief PGen, Jose Melencio Nartatez, Jr., na may mga nakitang posibleng pagkukulang sa panig ng unibersidad kabilang ang paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018.
Nilinaw ni Nartatez na sa ilalim ng Anti-Hazing Act, hindi lamang pisikal na pananakit ang maituturing na hazing.
Maaari rin itong tumukoy sa sapilitang paglalagay sa isang tao sa mapanganib na sitwasyon o paglalantad sa matinding psychological pressure.
Sinabi naman ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na lumitaw din ang ‘inconsistencies’ sa mga testimonya ng mga player at coach na nasa team building.
Ipinaliwanag niya na maaaring nagkakaiba ang mga salaysay dahil sa magkaibang lokasyon ng mga saksi nang mangyari ang insidente.
“Magkaiba ang accounts ng players at coaches dahil magkaiba ang kanilang vantage points. Nasa dagat ang mga players habang nasa pampang ang mga coaches. Kinukumpleto pa namin ang mga detalye bago gumawa ng conclusive report,” dagdag pa ni Remulla.
Hindi bababa sa 48 katao ang pinadalhan ng subpoena ng CIDG kaugnay ng kaso.
- Latest















