Buwan Ng Wika Special: Wastong gamit ng mga salita
CEBU, Philippines - Mahalaga ang buwan na ito sa ating patuloy na paglinang sa ating Pambansang Wika – ang Filipino.
Sa gramatika, mahalagang balikang-aral natin o balikang-tanaw ang mga wastong gamit ng mga salita. Ayon kina Dr. Veronica Abangan, Raquel Bercero, Romana Gera, at Dr. Orlando Magno, may-akda ng “Masining na Pagpapahayag” (Filipino 3) “ang wastong paggamit ng mga salita ay siyang tulay ng isang masining na pagpapahayag.”
Nabanggit ng mga may-akda na hindi maiiwasan na magkaminsan akala natin ay maaaring magkapalitan ang gamit ng ilang mga salita. Subalit kung susuriing mabuti ang kawastuan ng gamit nito, matutuklasan nating tayo’y namamali.
Dapat daw nating pakatandaan na may mga salitang tama ngunit hindi angkop, angkop ngunit hindi tama.
Narito ang ilang mga salita ayon sa kanilang wastong gamit:
1. Sundin, sundan
Ang sundin (follow an advice) ay nagpapahiwatig na tayo’y sumunod sa pangaral o payo. Ang sundan (follow where one is going; follow what one does) ay nagpapahiwatig naman na pumunta tayo sa pinupuntahan ng iba o gayahin ang ginagawa ng iba.
Halimbawa: Sundin mo ang lagi kong inihahabilin sa iyo upang hindi ka mapahamak. Sinundan ni Rain ang pagiging manunulat ng kanyang butihing ina.
2. Iwan, iwanan
Ang iwan (to leave) ay may ibig sabihing “huwag isama,” pero ang bagay na ito ay nadarama lamang ngunit hindi nakikita (abstract). Samantalang ang iwanan (to leave something) ay may ibig sabihin na may bagay na ihahabilin o ibibigay. Nakikita’t nadarama ang bagay na ito.
Halimbawa: “Huwag mo akong iwan sa kalungkutan,” pagsumamo ni Rain sa kanyang matalik na kaibigan.
“Nanay, iwanan mo kami ng pera ha bago ka umalis.” Ito’y pakiusap ni Rain sa kanyang ina bago ito tumulak ng bayan.
3. Hatiin, hatian
Ang ibig sabihin ng hatiin (to divide) ay partihin o bahagihin at ibigay ang kaparte nito. Ang hatian ay “to share with.”
Halimbawa: Pagkatapos mong hatiin ang keyk ay hatian mo ang iyong mga kapatid.
4. Walisin, walisan
Ang walisin (to sweep the dirt) ay tumutukoy sa bagay. Ang walisan (to sweep the place) ay tumutukoy sa lugar.
Halimbawa: Kailangan na nating walisin ang mga nahulog na tuyong dahon. Huwag din nating kalimutang walisan ang likod-bahay.
5. Tungtong, tuntong, tunton
Ang tungtong ay panakip sa palayok o kawali. Ang tuntong ay gawa ng yapak (footstep). Ang tunton ay bakasin o hanapin ang bakas o pinagmulan.
Halimbawa: Hindi makita ni Impong Elyang ang tungtong ng palayok.
Bakas na bakas ang tuntong ng maalikabok na paa ni Rain sa bagong bunot na sahig.
Hindi matunton ni Impong Elyang ang pinagdaanang buhay ng kanyang ina.
- Latest
- Trending