Singapore mayor, pinuri housing program ni Isko
MANILA, Philippines — Pinuri ni Central Singapore District Mayor Denise Phua ang programa sa pabahay ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, partikular ang pagtatayo ng mga gusaling pabahay sa loob ng lungsod bilang pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng tirahan.
“It’s very visionary,” pahayag ni Phua sa bilateral meeting nila ni Domagoso sa LaVie Resort Hotel nitong Nobyembre 17, bago ang ASEAN Governors and Mayors Forum (AGMF). Inilarawan din niya ang alkalde bilang isang mahusay na tagapagtaguyod ng pabahay.
Ayon kay Phua, na kumakatawan sa limang district mayor ng Singapore, mahalaga ang pagtutok ng administrasyong Domagoso sa mga pangunahing pangangailangan ng mga residente, partikular sa pabahay, edukasyon, kalusugan, at trabaho.
Ipinaliwanag naman ni Domagoso na ang mga pangalan ng housing project ng Maynila, gaya ng Tondominium, ay hango sa kanyang karanasan sa mga komunidad ng informal settler noong kabataan. Nasa P2,000 hanggang P3,000 ang buwanang bayad ng mga benepisyaryo, na maaari ring ipamana ang kanilang mga yunit sa mga anak ngunit hindi maaaring ipagbili.
Inihambing ni Phua ang programa sa sistema ng pabahay sa Singapore, kung saan maaaring muling ipagbili ang mga pampublikong housing unit sa mas mataas na halaga. Bilang bahagi ng palitan ng kaalaman, nakatakdang bumisita ang delegasyon ng Singapore sa mga proyektong pabahay ng Maynila upang pag-aralan ang pagpapatupad ng programa.
- Latest















