2 timbog sa P1.2 milyong shabu sa Bulacan

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Dahil sa mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga at baril, nasakote ng Guiguinto police ang 2 suspek at nakakumpiska ng humigit-kumulang sa 185.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P1,293,300 nitong nakaraang Martes sa Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Batay sa mga ulat na isinumite kay Col. Satur Ediong, Bulacan provincial director, isang buy-bust operation ang inilatag ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Guiguinto Municipal Police Station, na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Bude” at alyas “Tsong.”
Nakumpiska sa operasyon ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,293,300 at isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong live ammunition, kabilang pa ang buy-bust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri.
Ang dalawa ay kinasuhan ng paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay ng Omnibus Election Code ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
- Latest