Nanay patay, anak sugatan sa pamamaril sa hotel
MANILA, Philippines — Idineklarang dead-on-arrival ang isang 63-anyos na babae habang sugatan naman ang kanyang 26-anyos na anak nang sila ay pagbabarilin sa labas ng isang hotel sa Barangay Poblacion, Makati City nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), dakong alas-6:46 ng gabi nang mangyari ang krimen sa Makati Avenue kanto ng Durban Street.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pinagbabaril ang mag-ina ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng puting damit, maong shorts, at puting sapatos na agad tumakas matapos ang insidente.
Ang mag-ina ay dinala sa Makati Medical Center, ngunit idineklarang dead-on-arrival ang ina habang patuloy na ginagamot ang anak na nagtamo ng tama ng bala.
Nagsasagawa na rin ng backtracking at forward tracking sa mga nakalap na closed circuit television (CCTV) footages, para matunton ang suspek.
Bumuo na ang SPD ng Special Investigation Team upang tutukan ang imbestigasyon, pangangalap ng ebidensya, at pagtugis sa suspek.
Patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, motibo sa pamamaril, at iba pang detalye ng insidente.
- Latest




















