Pro-Marcos vlogger, itinumba ng tandem
MANILA, Philippines — Dead-on-the- spot ang isang babaeng pro-Marcos vlogger habang malubhang nasugatan ang kanyang live-in partner matapos na sila ay pagbabarilin ng riding-in-tandem sa tapat ng kanilang bahay sa Brgy. 171, North Caloocan, Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, 24, habang isinigod sa Camarin Doctors Hospital ang live in partner nito na si alyas “Tapong”, 24, kapwa residente ng Tierra Nova Subdivision, Brgy. 171 ng nasabing lungsod.
Sa report na isinumite ng Caloocan City Police kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili, nangyari ang krimen, bandang alas-3:06 ng madaling araw nang pasukin ang kanyang bahay.
Nakatakbo pa sa labas ng bahay ang mga biktima, subalit hinabol sila ng armadong suspek at pinagbabaril na kung saan nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at sa ulo ang biktima na sanhi ng kaniyang agarang kamatayan.
Maging ang live-in partner nito ay nagtamo rin ng sugat at kasalukuyan itong inoobserbahan sa pagamutan.
Nang respondehan at tinungo ng mga pulis ang lugar ay nakitang naliligo sa sariling dugo si Lipata habang dinala naman sa ospital si alyas “Tapong.”
Sa salaysay ng kapitbahay ng mga biktima, nakarinig siya ng sunud sunod na mga putok ng baril hanggang sa makita ang mga biktima na duguan na nakahandusay.
Sa mga vlog ni Lipata ay makikita ang kanyang pagiging supporter kay PBBM.
- Latest


















