Dayuhang barko sa Lawak Island, itinaboy ng PCG

MANILA, Philippines — Tagumpay na naitaboy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang dayuhang barkong pangisda sa karagatan ng Lawak Island sa West Philippine Sea (WPS) noong Biyernes, Oktubre 23.
Sinabi ni PCG spokesperson for WPS Rear Admiral Jay Tarriela, namataan sa isla ang barko bandang tanghali sa may layong 2 nautical miles sa hilagang-silangan ng Lawak Island, na pasok sa 12-nautical-mile territorial sea ng isla kaya idineploy ang mga tauhan sakay ng rubber boat.
Hinarang at paulit-ulit na nagbigay ng radio challenge ang PCG para paalisin ang dayuhang barko, sa babala na hindi sila maaaring magsagawa ng anumang maritime activity sa teritoryong sakop ng Pilipinas.
Ayon sa PCG, ang operasyon ay pang-anim sa serye ng maritime patrols na isinagawa sa loob ng wala pang apat na linggo sa Kalayaan Island Group (KIG), na bahagi ng Palawan.
Ang operasyon ay bahagi ng serye ng maritime patrols ng PCG sa Kalayaan Island Group mula pa noong huling bahagi ng Setyembre upang pigilan ang mga hindi awtorisadong dayuhang barko na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Kabilang sa anim na operasyon ang pag-alis sa Chinese Maritime Militia Vessel 9622 at mga sampan nito mula sa Kota Island noong Set. 28 at Okt. 9; limang dayuhang fishing vessel mula sa Kota Island noong Okt. 11; Chinese fishing vessel YUE TAI YU 63168 at apat na maliliit na bangka mula sa Lawak Island noong Okt. 15; at isa pang dayuhang fishing vessel mula sa Kota Island noong Okt. 18.
Aniya, ang hindi awtorisadong pangingisda ay maaaring lumabag sa Philippine Fisheries Code at Philippine Maritime Zones Act.
- Latest

















