Gilas tatapusin kamalasan sa Iran

MANILA, Philippines — Lagpas isang dekadang pagkagutom ang tangka ng Gilas Pilipinas na mapatid kontra sa Iran sa muling paghaharap ng Asian powerhouse sa krusyal na ikalawang round ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kukulo ang giyera sa alas-8 ng gabi para sa huling laro ng 4th window tampok ang hangarin ng Nationals na makaisa uli sa wakas sa Iranians at masundan ang panalo nito kontra sa Jordan kamakalawa.
May 1-6 kartada ang Gilas kontra sa Iran at noong 2015 pa huling nanalo sa FIBA, 87-73, bagama’t nagwagi na sa quarterfinals ng 2023 Asian Games, 84-83, tungo sa kampeonato at pagwakas sa 61-taong pagkauhaw sa gintong medalya.
Sasakay ang mga bataan ni coach Tim Cone sa 82-81 tagumpay kontra sa Jordan para mapatid ang 4-game losing skid at makaangat nang bahagya sa 3-4 sa Group E.
May 5-2 baraha ang Iran at kagagaling lang sa dikit na 93-91 kabiguan kontra sa New Zealand upang makatabla ang Tall Blacks sa segunda hanggang ikaapat na puwesto. Trangko sa unahan ang Australia na may malinis na 7-0 marka.
Nasa likod nila ang Gilas sa karera para sa Top 3 na siyang makakakuha lang ng tiket sa World Cup sa Qatar. Top 3 rin ang papasok mula sa Group F habang makakasampa rin ang may pinakamagandang rekord sa No. 4 teams ng kada grupo.
Nakataya sa qualfiers ang pangarap ng Gilas na masikwat ang ikaapat na sunod na World Cup ticket at handa silang maisakatuparan ito kahit pa nagpaparada ng All-Filipino line-up sa kawalan ng injured naturalized player na si Justin Brownlee.
- Latest

















