Alex, ‘di pa sumasagot kung nanganak na

As of presstime, hindi pa rin sumagot si Alex Gonzaga kung nanganak na ba siya.
Mukhang malalaman na lang natin sa vlog nila ni Toni Gonzaga, at doon na nila idetalye lahat.
Marami kasi ang nagtatanong sa amin kung nanganak na ba ang comedienne/TV host dahil sa ipinost niya sa kanyang social media kamakalawa lang.
Ipinost niya ang maternity pictorial niya, at may kuha ring kasama si Vice Mayor Mikee Morada. “I’ll miss carrying you inside my tummy, my baby. It was like having our own little world. Thank You Jesus!” caption lang ni Alex.
Kaya ang interpretasyon ng iba, nanganak na siya. Pero hindi niya sinagot ang pangungulit ko sa kanya tungkol dito.
Sunud-sunod ang tanong ko sa kanya, dahil may balita ring kambal daw ang ipinagbubuntis niya, at baby boy raw ito.
Noong in-announce kasi ang kanyang pagbubuntis, nabilang na ng iba, at ang tantiya nila sa September ang due nito.
So, mukhang kabuwanan na nga niya ngayon.
Ang kumpirmadong nanganak na ay ang asawa ni Smokey Manaloto na si Cassie Brazal.
Nasa social media ang panganganak ni Cassie : “We prayed for you, waited for you, and dreamed of the day we could finally hold in our arms.
“The moment I finally heard your first cry, hindi na tumigil yung pagpatak ng luha namin. Lying there in the operating room, hearing your little voice for the very first time, I was overwhelmed with so much love, relief, and gratitude. After everything we went through during this pregnancy... the difficult days, the fears, the tears, and countless prayers, there you were. You were finally here, worth it lahat anak!!
“You are our answered prayer, our greatest blessing, and a beautiful reminder of God’s perfect timing. Welcome to our arms, our little love,” ayon sa post ng mag-asawa.
Isang malusog na baby girl ang iniluwal ng asawa ni Smokey, at bale pangalawang baby na nila ito.
Si Smokey ay regular na napapanood sa Born To Shine ng GMA 7.
Male singer, consistent na tiklop sa misis
Napakapribado nitong magaling na male singer na ito. Para sa kanya, ang galing lang niya sa kanyang propesyon bilang mang-aawit ang commitment niya sa fans.
Hindi na kailangan ang pribadong bahagi ng kanyang buhay. Kaya pagdating sa mga personal na isyu ay wala talaga tayong nakukuha sa naturang male singer. Sapat na ‘yung performance niya ang inaalam natin.
Ewan ko kung marami sa mga taga-media na alam kung sino ang asawa nitong male singer, ilan ang anak nila at kung okay ba ang kanilang samahan. Labas na kasi ito sa trabaho niya.
Masyadong protektado ni male singer ang kanyang pamilya, lalo na si misis na napakaselosa pala.
Attractive naman kasi si male singer. Tiyak na marami ang nagnanasa at naghahabol sa kanya. Kaya hindi lang natin alam kung pinag-aawayan ba nila ito.
Mabait si male singer, magaling at maraming fans. Pero napapansin na ng karamihan at natatanong nga ako ng ibang kakilala ko na ang hirap magpa-picture sa kanya. Marami naman ang nakakapagpa-picture pero may mga panahon na iniiwas talaga siya.
‘Yun pala nag-e-emote si misis! Para wala nang gulo, nasasabihan ang mga taong nakaalalay kay male singer na iwas-iwas muna sa mga nagpapa-picture kasi nag-e-emote si misis.
Kaya kung puwede lang, iiwas talaga ang mga magagandang girls magpa-selfie kay male singer.
Kasi kapag napo-post na sa social media, hindi na alam kung ano ang timpla ng mood ni misis. Kaya iniiwasan na lang ito ni male singer, para wala nang gulo.
Kaya noon pa man ay may tsismis kay male singer na ‘takusa’ (takot sa asawa).
Likas na mabait lang daw ito, at ang dating ay takot dahil pagdating sa pamilya niya, lalo na sa kanyang asawa ay binibigyan niya talaga ng panahon at pagpapahalaga.
Tiklop na siya pagdating kay misis!
Hindi naman niya itinatago ang ganu’ng bahagi ng kanyang buhay, dahil nakakasama naman niya ang misis sa public places. Pero nagawa niyang ihiwalay ito sa kanyang trabaho.
- Latest


























