Eala No. 28 na sa world rankings
MANILA, Philippines — May bagong career-high ranking si Alex Eala oras na ilabas ang official rankings ng WTA ngayong araw.
Uupuan ng 21-anyos Pinay netter ang No. 28 sa WTA.
Mas mataas ito ng limang puwesto mula sa kanyang dating marka na No. 32 bago magsimula ang Wimbledon Championships sa London, England.
Malaking tulong ang matikas na kampanya ni Eala sa Wimbledon kung saan nakarating ito sa fourth round — ang pinakamataas na puwestong naabot nito sa isang Grand Slam tournament at unang Pinay tennis player na nakagawa nito.
Umusad si Eala sa fourth round matapos patumbahin si defending champion Iga Swiatek ng Poland sa iskor na 7-6 (9), 6-2.
Naputol lamang ang ratsada ni Eala nang yumuko ito kay 2024 Wimbledon runner-up Jasmine Paolini ng Italy sa iskor na 4-6, 6-4, 3-6.
Nauna nang tinalo ni Eala sina Renata Zarazua ng Mexico sa first round at Maya Joint ng Australia sa second round.
Sa kabuuan, may 1,666 puntos na si Eala.
Nakakuha si Eala ng 240 puntos sa pagpasok nito sa fourth round ng Wimbledon.
Posibleng umangat pa ito kung magkakaroon si Eala ng magandang kampanya sa hard court season.
Magsisimula ang kampanya ni Eala sa hard court sa Hulyo 27 sa WTA 500 Mubadala DC Open sa Washington DC.
Sasabak din si Eala sa WTA 1000 Canadian Open sa Toronto, Canada sa Agosto 2.
Nasa rest mode ngayon si Eala matapos ang matagumpay na kampanya nito sa grass season.
- Latest





















