Gilas move on agad para sa laban vs Boomers

MANILA, Philippines — Move on na agad ang Gilas Pilipinas para paghandaan naman ang laban nito kontra sa Australia sa FIBA World Cup 2027 Asian Qualifers na lalaruin sa Perth, Australia sa Hulyo 6.
Galing ang Gilas Pilipinas sa masaklap na 106-102 double overtime loss sa New Zealand noong Biyernes sa Spark Arena sa Auckland, New Zealand.
Nais ni Gilas Pilipinas coach Tim Cone na may matutunan ang kanyang bataan sa naturang kabiguan na madadala nito sa kanilang laban kontra sa Australia.
Ilan sa mga tinukoy ni Cone ang krusyal na mintis sa free throw area na malaking tulong sana kung naipasok para maipanalo ang laban.
“We missed some free throws, probably fouled a few times that we shouldn’t have, and that was really the story of the game,” ani Cone.
Dahil sa kabiguan, nahulog ang Gilas Pilipinas sa 2-3 rekord sa Group A habang umangat naman sa 3-2 marka ang New Zealand.
“We had chances in both regulation and in the first overtime to win that basketball game, but we just came up short,” ani Cone.
Nagtala ang Gilas Pilipinas ng 20 turnovers na isa sa mga naging pabigat sa tropa.
Sinamantala ito ng Tall Blacks para pigilan ang mainit na ratsada ng Gilas Pilipinas.
“It would have been nice to come down here and steal a game. That would have been special,” ani Cone.
Malaki ang panghihinayang ni Cone sa laro subalit kailangan nang pagtuunan ng pansin ang susunod na laban nito.
Mapapalaban ang Gilas sa Australia na galing sa matikas na 124-52 demolisyon sa Guam para manatiling malinis sa 5-0 ang rekord nito sa Group A.
Target ng Pinoy cagers na makaresbak sa 66-93 kabiguan sa Australia noong Marso sa second window ng qualifiers na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
- Latest


















