Brunson, Knicks nakauna sa Spurs

SAN ANTONIO — Kumamada si point guard Jalen Brunson ng 30 points at kumolekta si center Karl-Anthony Towns ng 18 points at 12 rebounds sa 105-95 pagdaig ng New York Knicks laban sa Spurs sa Game 1 ng NBA Finals.
Nagdagdag si OG Anunoby ng 17 points para sa ika-12 sunod na panalo ng Knicks sa playoff games.
“I think we know what we have to do,” ani Brunson. “I think we’re a pretty together group.”
Binura ng New York ang isang 14-point second-half deficit sa San Antonio para sa 1-0 lead sa serye.
Umiskor si Brunson ng 13 points sa fourth quarter at ang kanyang spinning jumper sa huling 38 segundo ang sumelyo sa kanilang panalo.
“He’s a gamer, man,” sabi ni coach Mike Brown kay Brunson. “In the biggest moments, he shows up. That’s what MVPs are supposed to do.”
Humakot si Victor Wembanyama ng 26 points at 12 rebounds sa panig ng Spurs habang may 17 markers si Stephon Castle kasunod ang tig-16 points nina Julian Champagnie at Fil-Am Dylan Harper.
“I was bad tonight,” wika ng 7-foot-4 na si Wembanyama. “It’s not more complicated than that.”
Matapos angkinin ang 55-48 halftime lead ay pinalobo pa ito ng Spurs sa 14-point lead sa kalagitnaan ng third period.
Nakabangon ang Knicks at tinapos ang nasabing yugto sa isang 22-9 atake para makatabla sa 76-76.
Ang dalawang free throws ni Wembanyama sa huling 2:16 ng fourth quarter ang nagbigay sa San Antonio ng 95-94 abante bago kumonekta ng three-point shot si Brunson para sa 97-95 bentahe ng New York.
Nakatakda ang Game 2 bukas.
“We have a long way to go,” sabi ni Brunson, ang Eastern Conference finals Most Valuable Player.
- Latest





















