Melai Cantiveros at Mj Felipe, ibibida ang mga kakaibang kwento

Mga kwentong Pinoy na kakaiba, nakamamangha, at nakatitindig-balahibo ang ibibida ng bagong news magazine program ng ABS-CBN News na Ibang Level ‘To kasama sina Melai Cantiveros-Francisco at MJ Felipe na mapapanood simula Hulyo 25 (Sabado).
Hatid nina Melai at MJ ang samu’t saring istorya na pang-next level ang pagiging kakaiba mula sa iba’t ibang dako ng bansa. Mapa-trending moments sa social media, mga pambihirang talento ng iilang Pilipino, o mga hindi ordinaryong pamumuhay ng iilan sa atin, sagot ‘yan ng Ibang Level ‘To.
Sa unang episode nito, samahan sina Melai at MJ na silipin ang ilan sa mga agaw-pansin na mga tirahan, tulad ng mga pamamahay na binabaybay ang karagatan ng Manila Bay, hanging shelters sa Tondo na nakasabit sa ilalim ng tulay, at ang kilalang upside-down house sa Benguet.
Mga exotic na putahe naman ang ipapatikim sa mga host, mula sa abuos o red ant caviar na patok sa North Luzon, ang Bulacan specialty na crispy sinuso o lechong kawali na gawa sa pork breast, hanggang sa mystery organ ng daga na inaadobo sa Pampanga.
Alamin din ang mga nakamamanghang halaman na matatagpuan sa Pilipinas, tulad ng calabash fruit na nakapagsasabing nakapagpapagaling umano ng sakit na dulot ng arthritis at gout, isang puno na nakapagbubunga ng tatlong klaseng prutas, at ang berry na nakapagpapatamis ng kahit anong maasim na prutas.
Lahat ng kakaibang istorya na ito, mapapanood sa Ibang Level ‘To tuwing Sabado simula Hulyo 25, 6:45 p.m. sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live. Mapapanood din ito sa ABS-CBN News YouTube channel at iWant.
JMFyang, trending ang part 2 ng Fake Marry
Tuluy-tuloy ang kilig na hatid nina JM Ibarra at Fyang Smith sa kanilang vertical rom-com series na Will You Fake Marry Me? matapos nitong ilabas ang Part 2 episodes sa iWant na nag-trending din sa social media.
Matapos ang premiere ng bago nitong episodes noong Hulyo 15, agad na napasama sa top trending topics ng X ang “JMFYANG WYFMM PART 2” at “#WillYouFakeMarryMe.” Pinuri ng mga netizen ang kwento nito pati ang kilig at husay sa pag-arte ng tambalang JMFyang.
Patuloy na napapabilang ang Will You Fake Marry Me? sa most-watched charts ng iWant magmula nang una itong ipalabas noong Hunyo 30, at kasalukuyang humahakot din ang unang limang episode nito ng mahigit 37 milyong views sa Facebook, TikTok at YouTube.
Katuwang ang PlayTime Entertainment sa produksyon at sa direksyon ni Jojo Saguin, ipinagpatuloy sa Part 2 ng vertical serye ang kwento ng fake engagement nina June (Fyang) at Ping (JM) para sa iniwang pamana ng yumaong kamag-anak. Sa kabila ng kanilang pagpapanggap na ikakasal, uusbong naman ang tunay na pag-iibigan na namamagitan kina June at Ping.
Mapapanood na ang lahat ng episodes ng Will You Fake Marry Me? sa iWant habang libre pa ring mapapanood ang episodes 1-5 sa Facebook, TikTok at YouTube pages ng iWant at ABS-CBN Entertainment.
- Latest

























