SC dapat mamagitan kung kulang senator-judges sa VP Sara impeachment

MANILA, Philippines — Maaaring kailanganing mamagitan ang Korte Suprema kung aabot sa siyam na senator-judges ang masuspinde o madetine sa gitna ng impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson kasunod ng preventive suspension ni Senador Jinggoy Estrada ng Sandiganbayan at maaaring mawalan ng saysay ang paglilitis kung mababawasan nang husto ang bilang ng mga senator-judges na maaaring bumoto.
Ayon kay Lacson, bagama’t hindi karaniwang nakikialam ang Korte Suprema sa impeachment proceedings, maaari itong mamagitan kung may isyung may kinalaman sa grave abuse of discretion.
Aniya, kung siyam na senador ang masuspinde, 15 na lamang ang matitirang senator-judges na maaaring bumoto, kulang upang maabot ang kinakailangang 16 boto para sa conviction.
“Ano ang saysay na impeachment trial kung 15 lang yung senator judges na present at pwedeng bumoto? Ano saysay? Sabi ko, formality na ang acquittal, bakit pa tayo mag-trial? So diyan dapat mag-intervene ng Korte Suprema,” pahayag ni Lacson.
Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, walang sinumang maaaring mahatulan sa impeachment trial nang hindi nakukuha ang 2/3 ng boto nang lahat ng kasapi ng Senado.
Sa 24 na senador, karaniwang itinuturing na 16 na boto ang threshold.
Ngunit tanong ni Lacson, dapat pa rin bang sundin ang base number na ito kung may mga senador na hindi makakalahok tulad nina Estrada na pansamantalang suspendido at nakaapiit habang si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ay nagtatago.
Mawawalan, aniya ng saysay ang paglilitis kung ang hindi malinaw na threshold ay otomatikong magreresulta sa acquittal.
- Latest




















