Gilas sisilatin ang New Zealand
MANILA, Philippines — Buo ang tiwala ni head coach Tim Cone na kayang makipagsabayan ng Gilas Pilipinas sa New Zealand at may tsansang makasilat sa pagbubukas ng second window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi pa nananalo ang Gilas sa New Zealand sa apat nilang paghaharap sa kahit anong FIBA competitions at pagkakataon na ito ng Nationals na mawakasan na ang pagkagutom ngayong alas-7:30 ng gabi.
Pagkatapos ng New Zealand ay iho-host din ng Gilas ang Hong Kong sa Linggo sa parehong venue.
Tabla ang Gilas at New Zealand sa tuktok ng Group B hawak ang parehong 2-0 kartada subalit may masasandalang homecourt advantage ang Gilas sa pangunguna nina naturalized player Justin Brownlee at 8-time PBA MVP June Mar Fajardo.
“I don’t think they’ve seen a team like the team we’re assembling before so I think we got a shot at beating them,” ani Cone matapos kaldagin ng Gilas ang Meralco, 96-82, sa tune-up game.
“We want to certainly protect our home court, and we want to show ourselves to the Gilas fans around the country. These are all very, very important to us so I really expect us to be ready and motivated to play.”
Huling naglaban ang Gilas at New Zealand noong 2022 FIBA Asia Cup kung saan yumukod ang Pinas, 75-92.
Subalit para kay Cone, ibang-iba na ang Nationals ngayon na pinagwagian ang Southeast Asian Games at Asian Games noong nakaraang taon bago talunin ang World No. 6 Latvia sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Dagdag pa dito ang bagong sistema ng New Zealand sa ilalim ng bagong head coach na si Judd Flavell na kakatalaga lamang noong Oktubre.
- Latest