EDITORYAL - Gawing ligtas paglalakbay ng mga pasahero
MARAMING pasahero ang dumagsa sa mga bus terminal, pantalan at paliparan kahapon para umabot sa pagdiriwang ng Pasko ngayong araw na ito. Mayroong nagbibiyahe pa hanggang ngayon at may inabutan ng Pasko habang naglalakbay. Taun-taon, tuwing Pasko, dagsa ang mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsiya—mapa-bus, eroplano at barko man.
Pinakarami ang sumasakay sa mga bus at ang transportasyong ito rin ang pinakamaraming naitatalang aksidente at namamatay. May mga bus na bumabangga sa kasalubong na sasakyan at mayroong nahuhulog sa bangin. Ang karaniwang dahilan kaya naaksidente ay dahil nawalan daw ng preno. Mayroong nakatulog ang drayber at mayroong nag-overtake at nabangga ang nasa kabilang lane.
Noong Disyembre 5, 2023, isang pampasaherong bus na galing Iloilo at patungong San Jose, Antique ang nahulog sa bangin na ikinamatay ng 28 pasahero at 16 ang malubhang nasugatan. Ayon sa pulisya, naganap ang aksidente dakong 4:30 p.m. sa Bgy. Igbugacay. Ang bus ay may kabuuang 53 pasahero na karamihan ay mga estudyante at mga balikbayan.
Paakyat umano sa bundok ang bus nang mangyari ang malagim na aksidente. Nahulog ito sa 30 talampakang lalim ng bangin. Ayon sa nakaligtas na pasahero, bago umakyat ang bus sa bundok ay ininspeksiyon pa umano ito ng drayber. Hanggang nang nasa bundok na sila ay nagsunud-sunod na ang busina nito at nawalan na ng kontrol sa manibela ang drayber at tuluy-tuloy na nahulog sa bangin. Walang barrier o harang ang gilid ng bangin.
Ang mga ganitong aksidente ay mauulit hangga’t hindi naghihigpit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pampasaherong bus. May mga bus na hindi na sumasailalim sa preventive maintenance at biyahe na lamang ng biyahe. Hindi na nila isinasaalang-alang ang buhay ng mga pasahero.
Ang problema sa LTFRB, ningas kugon ang paghihigpit sa mga pampasaherong bus. Higpit ngayon pero makalipas ang isang linggo, balik na sa dating gawi. Hindi na nagsasagawa ng inspeksiyon sa preno, ilaw, gulong, at wiper ng mga bus. Hindi na rin inaalam kung nasa tamang kondisyon o kalagayan ang mga drayber ng bus. Higit sa lahat, hindi na nagsasagawa ng surprise drug tests sa mga drayber. Noong nakaraang taon, may mga drayber ng bus na nagpositibo sa shabu. Delikado ang mga drayber na nasa impluwensiya ng illegal drugs.
Matapos ang exodus ng mga pasahero para magselebra ng Pasko sa probinsiya, ang pagbalik naman nila sa Metro Manila ang dapat paghandaan. Siguruhin ang kanilang kaligtasan. Maghigpit ang LTFRB, at magkaroon ng pag-iinspeksiyon sa mga pampublikong sasakyan.
- Latest