3 BEST tankers itinanghal na MOS sa Tokyo
MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) ang itinanghal na Most Outstanding Swimmers (MOS) sa kani-kaniyang dibisyon sa 2024 Buccaneer Invitational Swimming Championships na ginanap sa St. Mary's International School swimming pool sa Tokyo, Japan.
Nangunguna sa listahan si Kristian Yugo Cabana na nakalikom ng kabuuang 49 puntos para masungkit ang MOS award sa boys’ 14-year division.
Nagbulsa ang Lucena City pride na si Cabana ng apat na ginto (400m IM, 100m freestyle, 100m butterfly at 200m IM), isang pilak (200m butterfly) at isang tanso (100m backstroke) upang masiguro ang unang puwesto sa kanyang kategorya.
Hindi rin nagpahuli si Immaculate Heart of Mary College-Parañaque standout Behrouz Mohammad Madi Mojdeh na nagrehistro naman ng 42 puntos upang angkinin ang MOS award sa boys’ 13-year class.
Umani si Mojdeh ng dalawang ginto sa 200m breaststroke at 100m breaststroke, isang pilak sa 400m IM at dalawang tanso sa 200m IM at 200m butterfly sa torneong nilahukan ng mahigit 600 tankers mula sa 16 teams na nagpartisipa.
Wagi rin ng MOS plum si Therese Annika Quinto sa girls’ 13-year kung saan nakakuha ito ng 40 puntos.
Galing ito sa isang ginto (200m backstroke), dalawang pilak (400m freestyle at 100m freestyle) at tatlong tanso (200m freestyle, 50m freestyle at 100m backstroke).
Kasama rin sa delegasyon sina Mikhael Jasper Mikee Mojdeh na may tatlong pilak at dalawang tanso, Clara Maligat na may isang tanso, Juancho Jamon na may isang pilak at isang tanso, at Athena Custodio na may isang tanso.
“It’s job well done for our swimmers. Looking forward kami sa next participation namin next year. Hopefully mas maraming swimmers na ang maipadala namin,” ani BEST team manager Joan Mojdeh.
“Magandang opportunity ang mga international tournaments na tulad nito para maka-gain ng experience ang mga bata. Bahagi ito ng program namin sa grassroots development,” dagdag ni Mojdeh.
Nagpasalamat din ang buong delegasyon ng BEST sa Filipino community kabilang na sina Myles Beltran, Arnel Punzalan, Marilyn Yokokoji, Sheryl Alcantara Yusa, Sheryl Ballesteros, Sahlee Bucao Endo and Shirley Dizon Yasaka na tumulong sa buong delegation.
Nagpasalamat din ito kina coaches Sherwyn Santiago at Jerricson Llanos, at SLP president Fred Ancheta.
- Latest