Bomba sumabog: 3 bata utas, 5 sugatan
MANILA, Philippines — Tatlong bata ang nasawi habang lima pa ang sugatan nang sumabog ang isang hinihinalang bomba sa Purok Raniag, Barangay Sinamar, Roxas, Isabela, kahapon ng umaga.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina John Mark M. Peralta, 8-anyos, Grade 3; John Yohan J. Binuyat; at Emmanuel C. Disamito. Habang lima ang nasugatan na nilalapatan ng lunas sa ospital.
Batay sa inisyal na ulat, alas-9:00 ng umaga ay isang babae umano ang nakakita sa mga biktima na naglalakad sa kalsada at may pinulot umanong isang metal na bagay na kanilang pinaglaruan at ilang sandali ay bigla na lang itong sumabog.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Manuel A. Roxas District Hospital para sa lunas na kung saan ay idineklarang dead-on-arrival ang tatlong bata.
Blangko pa ang pulisya kung anong uri ng bomba ang sumabog at inaalam kung sino ang nag-iwan ng nasabing metal bagay kung ito ay granada o iba pang uri ng pampasabog ang nasabing bagay.
Patuloy ang imbestigasyon at pangangalap ng ebidensya,habang pinaalalahanan ang publiko na huwag hawakan o lapitan ang anumang kahina-hinalang bagay at agad itong ireport sa mga otoridad
- Latest
















