Palengke sumabog: 1 gutay, 2 grabe

MASBATE CITY, Philippines — Patay at nagutay ang isang tricycle driver habang dalawa pa ang kritikal matapos ang nangyaring malakas na pagsabog sa harap ng LCC Expressmart at public market sa kahabaan ng Tara Street, Brgy. Pating, dito sa lungsod kahapon ng hapon.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawi at kalagayan ng dalawa pang biktima na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na lahat ay isinugod sa Masbate Provincial Hospital.
Sa ulat, pasado alas-2 ng hapon, nagulantang ang mga tao sa paligid nang makarinig ng malakas na pagsabog. Nabalot ng usok ang paligid at nang magliwanag ay nakita ang ilang tao na sugatang nakahandusay habang nagkabasag-basag ang salamin at bumagsak ang kisame sa kalapit na mga istablisimiyento.
Lahat umano ng biktima ay tricycle driver na nakaparada sa harapan.
Isa sa trike driver ay nakitang gutay-gutay ang damit at duguang nakahandusay makaraang mahulog sa kanyang tricycle habang ang dalawa ay humandusay sa harap mismo ng expressmart dahil sa lakas ng pagsabog.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis at mga tauhan ng CDRMMO-Masbate City at isinugod ang mga sugatan sa pagamutan.
Patuloy sa imbestigasyon ang mga kasapi ng Masbate City Police Station at Masbate Provincial Police Office sa pangunguna mismo ni Provincial Director Col. Jefferson Araojo para malaman kung ano ang sumabog, at kung ito ay sinadya.
Hanggang sa sinusulat ang balita kagabi ay wala pang nakikitang uri ng substance mula sa bomba o anumang pampasabog ang mga pulis.
- Latest




















