DFA, itinanggi akusasyon sa pekeng passport application, processing
MANILA, Philippines — Itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga paratang na nag-iisyu ito ng pekeng pasaporte at sadyang nagpapahirap sa proseso ng aplikasyon. Sa pahayag nitong Nobyembre 8, iginiit ng kagawaran na nakabatay sa Republic Act No. 11983 o New Passport Law ang mga dokumentong hinihingi sa mga aplikante upang matiyak ang wastong beripikasyon ng kanilang pagkakakilanlan at maiwasan ang pamemeke.
Itinanggi rin ng DFA ang alegasyong itinuturing nitong negosyo ang mga serbisyo sa pasaporte at visa. Paliwanag nito, ang mga sinisingil na bayarin ay naaayon sa itinakdang government fees at bahagi ng kita ng pamahalaan.
Nilinaw din ng kagawaran ang 14-araw na visa-free entry para sa mga Chinese national sa ilalim ng Foreign Service Circular No. 2026-005, na naglalayong palakasin ang turismo, kalakalan, pamumuhunan, at ugnayan ng Pilipinas at China. Limitado ang naturang patakaran sa turismo at negosyo at hindi maaaring palawigin o palitan ng ibang uri ng visa.
Kinontra rin ng DFA ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na eksklusibong nasa mga awtoridad sa imigrasyon sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) ang kapangyarihan sa mga usapin ng visa. Binigyang-diin ng kagawaran na direktang nakabatay sa batas ang kapangyarihan nitong mag-isyu ng visa, alinsunod sa Executive Order No. 292 o Administrative Code of 1987.
- Latest

















