^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Character assassination

Pilipino Star Ngayon

KUNG totoo ang alegasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa umano’y honeytrap plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto, nakababahala ito hindi lamang para sa target ng operasyon, kundi para sa buong kalidad ng pulitika sa bansa.

Hindi na bago ang character assassination sa Pilipinas. Matagal nang ginagamit ang tsismis, blind item, edited video, bayarang testigo, at personal na eskandalo para sirain ang kalaban.

Pero ibang usapan kapag ang paratang ay may kinalaman na sa umano’y planong mag-recruit ng mga babae para maglabas ng fabricated statements at palabasing sangkot ang isang opisyal sa sex, droga, o kaya’y human trafficking.

Kung mapapatunayan, hindi ito ordinaryong away-pulitika. Isa itong mapanganib na paggamit sa katawan, dignidad, at kabuhayan ng kaba­baihan bilang bala sa laban ng mga makapang­yarihan.

At kung gawa-gawa naman ang paratang, dapat ding managot ang nagpakalat nito. Hindi ito dapat ipagwalambahala. Dapat managot ang mga nasa likod nito.

Mahalagang maging maingat.

Ang mga mambabatas na sina Leandro Le­viste at Jing Paras, na nabanggit sa imbestigas­yon, ay itinanggi ang pagkakasangkot at may ka­rapatan sa due process. Hindi puwedeng ha­tulan ang sinuman batay lamang sa press briefing, social media post, o political feud.

Pero hindi rin dapat maliitin ang banta ng ganitong klaseng operasyon. Kapag ang pulitika ay bumaba sa antas ng entrapment, blackmail, at sexual smear campaign, ang natatalo ay hindi lang ang isang opisyal.

Natatalo ang publiko, dahil natatabunan ng batuhan ng putik ang totoong usapan tungkol sa korapsiyon na dapat ay mas binibigyang pansin ng lahat ng Pilipino ngayon.

Mas madaling magpakalat ng eskandalo kaysa maglatag ng plataporma. Mas mabilis kumalat ang maruming kuwento kaysa mabusising ebi­densiya.

Kaya lalong kailangan ng institusyong ma­tatag, imbestigasyong patas, at mamamayang hindi agad nagpapadala sa eskandalo.

Kung may krimen, kasuhan. Kung may kasi­nungalingan, ilantad. Kung may nag-imbento, panagutin.

Hindi dapat honeytrap, sex scandal, o fabri­cated witness ang magpasya sa kapalaran ng bansa.

NBI

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with