Kapag negosyo ang bumagsak, pamilya ang nagugutom
HINDI ito simpleng reklamo. Totoong nangyayari ito sa ilalim ng umiiral na sistema ng Minimum Corporate Income Tax (MCIT). Kahit manipis ang tubo ng negosyo, kailangan pa ring magbayad ng minimum na buwis kapag natugunan ang mga kundisyon sa batas. Para sa maraming negosyante, para itong suntok sa sikmura.
Kaya nang sabihin ni PBBM sa kanyang SONA na kailangan nang pagaanin ang pasanin ng mga lokal na negosyo, maraming umasa na may pagbabago nang paparating.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik ang Kamara. Agad na naghain sina House Speaker Bojie Dy at Majority Leader Sandro Marcos ng House Bill No. 10346 na naglalayong tuluyang alisin ang MCIT simula Enero 1, 2027.
Ano ang ibig sabihin nito sa karaniwang Pilipino? Kapag hindi na pinipiga ng sobra ang mga negosyong lumalaban nang patas, mas malaki ang tsansang hindi sila magsara. Kapag hindi nagsara ang negosyo, nananatili ang trabaho. Kapag may trabaho, may panggastos ang pamilya. Kapag umiikot ang pera, mas lumalakas ang ekonomiya. Ganoon kasimple ang koneksiyon.
Sa ngayon, maraming negosyo ang napipilitang maghigpit ng sinturon. Ang perang dapat sana’y pangdagdag ng empleyado, pambili ng makinarya, o pampalawak ng negosyo ay nauuwi sa pagbabayad ng buwis. Ang resulta? Mabagal ang paglago, kaunti ang bagong trabaho, at hirap ding umangat ang kabuhayan ng ordinaryong Pilipino.
Kung magiging batas ang panukala, ang pagbubuwis sa mga sakop na korporasyon ay ibabatay na sa kanilang aktuwal na taxable income, hindi sa minimum na itinakda kahit manipis ang kinita. Mas magiging patas ang sistema dahil ang tunay na kalagayan ng negosyo ang isasaalang-alang.
Hindi ibig sabihin nito na mawawala na ang buwis. Magbabayad pa rin ang mga kumpanya ng regular na corporate income tax ayon sa batas. Ang layunin lamang ay alisin ang sitwasyong tila napaparusahan kahit ang mga negosyong hirap na hirap nang manatiling buhay.
Ngunit gaya ng maraming magagandang panukala, ang tunay na laban ay nasa pagpapatupad. Hindi sapat ang magagandang salita sa plenaryo kung sa huli ay mababaon pa rin sa mabagal na proseso ang mga negosyong umaasang makahinga.
Sa dulo, iisa lang ang hiling ng mga negosyante huwag silang gawin kalaban. Sila ang nagbibigay ng trabaho, sila ang nagbabayad ng buwis, at sila rin ang tumutulong sa pag-ikot ng ekonomiya. Kapag sila ang unang bumagsak, hindi lang may-ari ng kumpanya ang talo kasama ang manggagawa, ang pamilya nito, at ang buong komunidad na umaasa sa kanilang kabuhayan.
Ang tanong ngayon ay simple pero mabigat - Ito na ba ang simula ng mas makatarungang sistema ng pagbubuwis, o isa na naman itong pangakong maganda lang pakinggan pero mabagal maramdaman? Ang sagot ay nasa magiging takbo ng panukalang batas at sa kung paano ito isasabuhay kapag naging ganap na batas.
- Latest




















