Lakers binawian ng Suns
PHOENIX — Kumamada si Devin Booker ng 33 points habang may 30 markers si Kevin Durant para sa 109-105 pagresbak ng Suns sa bisitang Los Angeles Lakers.
Isinalpak ni Royce O’Neale ang isang krusyal na 15-foot floater sa huling 1:25 minuto ng fourth quarter para ibigay sa Phoenix (3-1) ang 107-104 kalamangan at kumpletuhin ang pagbangon mula sa isang 18-point deficit, 8-26, sa first period.
Nauna nang idinikit ni LeBron James ang Los Angeles (3-1) sa 104-105 mula sa kanyang three-point shot sa 1:58 minuto ng laro.
Tinalo ng Lakers ang Suns, 123-116, sa una nilang pagkikita noong Biyernes.
Sa Dallas, umiskor si Kyrie Irving ng 23 points at may 18 markers si Klay Thompson para akayin ang Mavericks (2-1) sa 110-102 panalo sa Utah Jazz (0-3).
Kumolekta si Luka Doncic ng 15 points, 9 rebounds at 8 assists para sa Dallas, ang defending Western Conference champions.
Binanderahan ni Collin Sexton ang Utah sa kanyang 23 points at may tig-17 markers sina Lauri Markkanen at Keonte George.
Sa San Antonio, bumanat si Fil-Am guard Jalen Green ng 34 points para banderahan ang Houston Rockets (2-2) sa 106-101 pagdaig kay Victor Wembanyama at sa Spurs (1-2).
Naglista si Wembanyama ng 12 points at 18 rebounds sa panig ng San Antonio na nakakuha kay Jeremy Sochan ng 22 points.
Sa Memphis, naglista si Zach LaVine ng 30 points, kasama ang 11 sa fourth quarter, para pamunuan ang Chicago Bulls (2-2) sa 126-123 pagtakas sa Grizzlies (2-2).
- Latest