SC: Labis na pagdidisiplina sa mga anak, ‘child abuse’
MANILA, Philippines — Maituturing na ‘child abuse’ ang marahas at labis na pagdidisiplina sa mga anak kung ito ay nakakapipinsala na sa kanilang dignidad.
Ito ang naging paninindigan ng Korte Suprema nang pagtibayin ang hatol sa isang ama na nahaharap sa tatlong bilang ng kasong child abuse dahil sa marahas at labis-labis na pagdidisiplina sa kanyang dalawang menor de edad na anak.
Sa desisyon ng ikalawang dibisyon na iniakda ni Associate Justice Jhosep Lopez, upang maituring na pang-aabuso ang isang aksiyon ng pagdidisiplina ay kailangang may malinaw na intensiyon na saktan o sirain ang dignidad ng isang bata.
Nag-ugat ang kaso nang ireklamo ang isang ama dahil sa labis na pananakit sa kanyang mga anak na isang 12-anyos na babae at isang 10-taong gulang na lalaki mula 2017 hanggang 2018, kabilang na ang paninipa, pananabunot, at pamamalo ng kahoy na may pako at iba pa.
Ikinatwiran ng ama na ang kanyang mga aksiyon ay pagdidisiplina lamang sa kanyang mga anak dahil sa maling asal ng mga ito, gaya nang pagkabigong kainin ang kanilang tanghalian.
Hindi siya pinanigan ng Regional Trial Court at ng Court of Appeals at sa halip ay hinatulang guilty sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o The Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Binigyang-diin pa ng Supreme Court na bagama’t ang mga magulang ay may karapatang disiplinahin ang kanilang mga anak, ang kanilang pamamaraan ay hindi dapat na bayolente, labis-labis o hindi akma sa nagawa nilang pagkakamali.
Pinatawan rin ng Korte ang ama ng pagkabilanggo ng mula 4-6 taon at inatasang magbayad ng multa na P15,000 at kabuuang halaga na P60,000 danyos para sa bawat bilang ng child abuse na isinampa laban sa kanya.
- Latest