Gilas pukpukan na sa ensayo sa Malaysia
MANILA, Philippines — Salang agad sa pukpukan ensayo ang Gilas Pilipinas sa Seremban, Malaysia para masigurong handang-handa ito bago sumabak sa fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nasa Malaysia na sina Kai Sotto, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Scottie Thompson, CJ Perez, Troy Rosario, Chris Newsome at Juan Gomez de Liaño.
Diretso namang nagtungo sa Malaysia sina AJ Edu, Mike Phillips at Quentin Millora-Brown galing sa Japan kung saan pare-pareho itong imports sa Japan B.League.
Nanggaling naman sa Pilipinas sina Sotto, Ramos, Quiambao, Thompson, Perez, Rosario, Newsome at De Liaño kasama ang coaching staff sa pangunguna ni head coach Tim Cone at ilang opisyal ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Dahil matagal nang magkakasama sa team, hindi na magiging mahirap para sa Gilas Pilipinas na maibalik ang chemistry dahil sanay na ang mga ito sa sistema.
Bukod tanging si naturalized player Bennie Boatwright lamang ang magiging bago sa team.
Ngunit dahil makailang ulit na rin itong naglaro sa PBA bilang import, sanay na ito sa sistema ng Pinoy basketball.
Nasa China pa si Boatwright na naglalaro sa Chinese Basketball League ngunit inaasahang makakasama na ito ng Gilas ngayong araw.
Sisimulan ng Gilas ang fifth window sa pagsagupa sa Syria sa Nobyembre 27 kasunod ang pagharap sa Iran sa Nobyembre 29.
Kailangan ng Pinoy cagers na makuha ang panalo upang mas lalong lumakas ang tsansa nitong makapasok sa FIBA World Cup proper na gaganapin sa susunod na taon sa Doha, Qatar.
- Latest
















