Gatchalian, hiling ang ‘flexible’ deadline sa VP Sara trial
MANILA, Philippines — Inihayag ni Senate President Sherwin Gatchalian dapat manatiling “flexible” ang Senate impeachment court sa timeline o deadline ng paglilitis kay Vice President Sara Duterte upang matiyak ang patas at episyenteng takbo ng proseso.
Inamin ni Gatchalian sa panayam nitong Sabado, na siya mismo ay umaasang bago mag-Pasko ay matapos ang trial.
“Well, ako personally, I am hoping na before Christmas matapos dahil nga mas maganda na bago magpasko, bago tayong mag-celebrate ng Christmas, matapos ito. At the very least before the New Year,” ani Gatchalian.
Pero, hindi naman aniya maaaring magtakda ang korte ng mahigpit na iskedyul dahil maraming bagay ang hindi ma-predict at maaaring mag-iba ang tagal ng pagtatanong sa mga testigo at iba pang proseso ng paglilitis.
Binanggit niya ang mga pagkakataong inaasahang matatapos sa loob lamang ng isang araw ang testimonya ng ilang testigo ngunit umaabot ito ng dalawa hanggang tatlong araw.
Binibigyan din aniya korte ng sapat na panahon ang depensa upang maiprisinta ang kanilang panig.
Inaasahan din ni Gatchalian na magpiprisinta pa ang depensa ng humigit-kumulang anim hanggang walong testigo sa mga susunod na araw.
Partikular aniyang hinihintay ng korte ang paliwanag sa pagkakaiba ng iniulat na benta ng Cale88 at ng mga papasok na remittance na nakatala sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa Disyembre 1 nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial matapos suspendihin ng impeachment court ang mga pagdinig mula Nobyembre 23 hanggang 30. Ito ay kasunod ng abiso ng depensa na hindi available ang kanilang mga testigo sa Nobyembre 26 at 27.
- Latest




















