Motorista, inaresto sa IMSI catcher
MANILA, Philippines — Isang 32-anyos na motorista ang inaresto nang makitaan ng mga iligal na electronic device sa sasakyan sa isinagawang routinary traffic enforcement operation sa Parañaque City, nitong Linggo.
Sa ulat ng Parañaque City Police Station, nag-ugat ang pag-aresto sa suspek na si alyas “Ian” matapos matuklasan na ang dalawang outstanding warrant of arrest ay pangalan niya, bukod pa sa ilang electronic devices na nangangailangan pa ng karagdagang technical examination
Nabatid, alas2:20 ng hapon, nagsasagawa ng mobile patrol operations ang mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station, kasama ang isang Barangay Tambo traffic enforcer, sa kahabaan ng Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, bilang paghahanda sa nalalapit na ASEAN Summit nang mamataan nila ang isang puting Toyota HiAce Commuter na iligal na nakaparada at nakaharang sa daan.
Nilapitan ang driver na si alyas “Ian,” dahil sa traffic violation.
Sa pagberipika sa kanyang pagkakakilanlan, natuklasan ang dalawang outstanding warrant of arrest dahil sa umano’y paglabag sa Chattel Mortgage Law at sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Napansin din ng pulisya ang ilang electronic devices sa loob ng sasakyan, kabilang ang dalawang mobile phone, isang pinaghihinalaang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher, na kilala rin bilang Cell-Site Simulator (CSS), dalawang battery device, isang GPS tracker na may nakalagay na SIM card, at isang antenna device.
Inaresto ang suspek at nasa kustodiya ng pulisya kasama ang mga narekober na gamit para sa technical investigation dahil nauugnay sa financial fraud at mass scams ang paggamit ng mga nasabing devices.
- Latest















