Ate Vi at Sharon, paparangalan sa Star Awards

Maningning at makulay ang 42nd Star Awards for Movies dahil muling pagsasamahin at titipunin ng PMPC Star Awards Inc. ang makikinang na mga bituin at personalidad na gaganapin sa Oktubre 25, 2026 sa Winford Resort and Casino Manila.
Pangungunahan ang mga dadalong bituin ng Hall of Fame awardees na sina Star for All Seasons Vilma Santos-Recto, sound engineer Albert Michael Idioma, at veteran screenwriter and National Artist Ricky Lee na bibigyang-pugay dahil sa 10 beses o higit pang pagkapanalo nila sa kategoryang Movie Actress of the Year, Movie Sound Engineer of the Year, at Movie Screenwriter of the Year, ayon sa pagkakasunod.
Haharanahin at hahandugan siya ng isang tribute number ng dalawa sa kanyang mga naging leading men sa pelikula na sina Edgar “Bobot” Mortiz at Tirso Cruz III.
Ang Megastar na si Sharon Cuneta ang tatanggap ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award. Bago ito kabilang din si Sharon sa mga nabigyan ng PMPC ng Dekada Awards at nanalo na rin siya ng dalawang Movie Actress of the Year. Ang mismong anak ng Megastar at singer-theater actress na si Kakie Pangilinan ang magbibigay ng tribute sa kanya.
Pararangalan din ang beteranong aktor at Pangulo ng Mowelfund na si Rez Cortez ng kaparehong award na ipinangalan sa yumaong Superstar at National Artist habang ang dating producer na si Alex Muhlach ang tatanggap ng Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award.
Igagawad kina Vice Ganda at Nadine Lustre ang mga parangal na Takilya King and Queen dahil sa 2025 highest-grossing movie nilang Call Me Mother. Nominado rin sina Vice Ganda at Nadine Lustre sa Movie Actor at Actress of the Year.
Ang magsisilbing host naman ay sina beauty queen-host Emma Tiglao, Tony Labrusca, Jameson Blake at Beauty Gonzalez.
Ang 42nd Star Awards for Movies ay inoorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC Star Awards Inc. sa pangunguna ng pangulo nito na si Fernan de Guzman.
Katuwang ng PMPC sa Gabi ng Parangal bilang producer ang The Revival King na si Jojo Mendrez at ang EV Production and Events.
- Latest





















