Eala lalabanan si Shnaider para sa quarterfinal ticket

MANILA, Philippines — Ipagpapatuloy ni Pinay tennis ace Alex Eala ang kanyang pagbangon sa pagsagupa kay Russian netter Diana Shnaider sa Round of 16 ng 2026 Ningbo Open sa China.
Ito ang unang pagkakataon na magkakaharap ang World No. 19 na si Eala at ang No. 13 na si Shnaider.
Nakatakda nilang pag-agawan ang isang quarterfinal spot sa nasabing WTA 500 event.
Nagmula si Eala sa 6-3, 6-1 pagwalis kay Diane Parry ng France sa Round of 32 noong Lunes.
Ito ang unang panalo ni Eala sa WTA Tour sapul noong Setyembre 3 kung saan niya tinalo si Oleksandra Oliynykova ng Ukraine sa US Open second round.
Ang pagsibak sa 24-anyos na si Parry ang kauna-unahan ni Eala matapos ang tatlong sunod na kamalasan kasama ang first round loss kay unseeded Russian Tatiana Prozorova sa Singapore Open at kay Chinese qualifier Shi Han sa Wuhan Open.
“Thank you so much for the support. It really makes my job very fun, even in the difficult moments, so I’m really happy to be here,” sabi ni Eala matapos ang kanyang dominasyon kay Parry.
Kung mananalo kay Shnaider ay maaaring makatapat ni Eala sa quarterfinals ang best friend na si World No. 12 Iva Jovic ng United States na hindi pa niya tinatalo sa tatlo nilang pagtutuos.
Nanggaling naman ang 22-anyos na si Shnaider sa pahirapang 7-5, 7-6 (4) pag-eskapo laban kay No. 66 Yulia Putintseva ng Kazakhstan.
Tinalo rin ni Shnaider si Putintseva sa Round of 32 ng nakaraang Wuhan Open.
Sa nasabing torneo nakapasok si Shnaider sa quarterfinals, ngunit pinatalsik ni Czech World No. 7 Karolina Muchova para sa semifinal berth.
Sumampa si Shnaider sa semifinals ng 2026 French Open na isang Grand Slam event.
- Latest















