Sadistang mister, inutas ng misis
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 49-anyos na mister nang siya ay ataduhin ng saksak ng kanyang misis na sinaktan nito matapos ang mainitan nilang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Calanay, Aroroy, Masbate, nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ang nasawing mister na si alyas “Boyet” habang ang misis ay kinilalang si alyas “Eden”, 49-anyos, magsasaka na kapwa residente sa nabanggit na lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago nangyari ang krimen, alas-5:00 ng hapon ay kararating lang ng misis sa maghapong pagsasaka sa kanilang bukirin at nadatnan niya ang mister na lasing sa alak.
Sa sobrang pagod ng misis ay inutusan nito ang mister na bigyan siya ng isang basong tubig para uminom.
Subalit, sa halip na tubig ang ibigay ay kumuha ng upuan ang mister at ibinalibag ito sa misis na naging dahilan ng kanilang mainit na pagtatalo.
Hindi pa umano nakuntento ang mister ay kumuha ito ng steel bar at sinubukang hambalusin ang asawa na nagawang makailag sa sulok at dito binunot ang dalang patalim at ilang ulit na pinagsasaksak ang una sa ibat-ibang bahagi ng katawan na agaran nitong ikinasawi.
Madaling araw na nang malaman ng mga pulis ang krimen na agarang nagresponde sa lugar at inaresto ang misis na kusang loob na sumuko at maging ang patalim na ginamit sa krimen.
- Latest















